ANG MGA AARIING KARAPATDAPAT SA KAHARIAN NG DIOS
ANG MGA AARIING KARAPATDAPAT SA KAHARIAN NG DIOS
2 Tesalonica 1:4-5.
November 6, 2022
Tanong ko lang po, lahat ba ng gustong pumasok sa school specially sa college nakakapasok? Di ba hindi, kasi may mga req’ts to fulfill bago ka makapasok, katulad written exam at ganoon din sa interview. Hindi ka makakapasok sa school kung hindi mo maipapasa ang mga ito.
Kung ang iglesia ng Diyos ang kaharian ng Dios at ikukumpara natin sa iskwelahan, parang ganun din ang eksena hindi lahat makakapasok. Yung mga hindi pumasa sa pangangaral, ibig sabihin hindi sinampalatayanan yung aral na napakinggan ay malamang hindi papasok sa iglesia.Yung mga nagsisampalataya, at nakapasa sa iba pang req’ts katulad ng pagsisi pero hindi nagpabautismo eh sigurado hindi makakapasok sa iglesia. Bakit? Eh yung bautismo ang isa sa pinakamahalang req’t para ang tao makapasok sa iglesia ng Dios eh.
In comparison naman ng Kaharian ng Dios sa Langit sa graduation sa school. Minsan nakakapasok sa school (sabihin natin na ito yung iglesia) pero yung iba hindi tumatagal at hindi nakaka-graduate, Bakit? Kasi mayroong mga req’ts uli para ka maka-graduate. Halimbawa, kailangan maipasa mo yung lahat ng subjects mo, kailangan hindi ka pasaway sa school at baka ma-kick-out ka. Huwag yung marunong ka pa sa professor (Christ) mo dahil kapag ganoon ang ginawa mo, kahit gaano ka pa katalino malamang lumagapak ka.
Halimbawa nagbigay ng istruction sa exam ang professor mo. Sa examination paper na multiple choice ang nakalagay, shade the box that contains the correct answer. Ang ginawa mo imbes na shade, inilagay mo check. Papasa ka kaya? Instructons palang bagsak ka na.
Sa pangkalahatan ng religiong Kristiyanismo, marami sa sekta nito ganito ugali, marunong pa kesa sa teacher nila, Sa pangalan pa lang ng iglesia iniutos na tawagin ito sa pangalan Niya at ibinigay naman Niya kung ano yung pangalang gagamitin, pero eto parin yung mga matatalino, kung ano-anong pangalan ng iglesia ang pinaggagamit kesyo “universal” daw kasi kesyo yun daw kasi ang personal name ng Dios, kahit hindi mabigkas, ang remedyo eh di dagdagan natin, problema ba yun? . Ang kukulit, instructions pa lang ayaw ng sumunod.
Huwag na tayong magtaka kasi sa Roma 1:32 sinasabi na yan:
“Na, bagama't nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.”
So alam nila yung kautusan ng Dios, alam nila yung instructions kaya lang ayaw nilang Sundin. Ano dahilan?
sa talatang 28 ang ipinakitang dahilan: Ayaw nilang kilalanin ang Diyos, kung baga sa school ayaw makinig sa teacher, ayaw sumunod sa teacher, sa madaling salita, ayaw kilalanin yung teacher.
At dahil doon pinabayaan nalang sila ng Diyos, ituloy natin yung basa hanggang 31 para makita natin yung naging evolution ng taong bagamat alam ang kautusan ay hindi ginagawa bagkus yung kabaligtaran ang gusto at kapag nakakita pa ng maling ginagawa ng iba, imbis na sawayin at kinukunsinte pa.
“Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,[c] kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis, 30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos,[d] walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa.”
So nakita po natin kung ano nangyari? Parang naging masamang tao na po ano kahit na alam nila yung tama.
Kaya hindi po nakapagtataka kung bakit Cristiyanong bansa tayo Pero ang mga karumaldumal na krimen ay makikita mo rin dito sa Pilipinas.
SA 1Cor. 6:9-10 ganito naman ang sabi ni apostol Pablo para mas maging maliwanag kung sino yung mga hindi makakapasok sa kaharian ng Dios.
“Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos.”
Ngayon, merong istorya sa aklat ng Gawa 13:46 si Apostol Pablo at Bernabe tungkol sa hindi pagtanggap sa kanilang pangangaral, basahin natin para makita natin yung buong kwento at makikita natin dito yung 1st step kung papaano makapasok sa kaharian ng Dios at kapag tinanggihan ay maaring ibigay sa iba.
“Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta.”
Lumalabas na para maging karapat-dapat ay kailangan muna na tanggapin yung salita ng Dios na ipinahahayag, na akma nman sa sinasabi sa Roma 10:17 na sa pakikinig ng salita ng Dios nagsisimula yung pananamplataya hanggang sa umabot sa pagbabautismo, katulad nung pagtatanong ni Nicodemo sa (Jn. 3:3-5). At kapag ang taong nakinig at sumamplataya ay nagdesisyon na na Gawin yung bautismo o pagkapanganak na muli, sa Ezra 7:23 ito daw ay dapat ganapin sa bahay ng Dios na siyang Iglesia ng Dios Ayon sa (1Tim 3:15-16). At kapag nabautismuhan na o naipanganak na muli ay bibigyan na ng karapatan na tawaging Anak ng Dios Ayon naman sa (Jn. 1:12-13).
So nakita po natin kanina yung comparison kung papaanong bago ka makapasok sa school ay may mga gagawin ka katulad ng written exam at interview at kapag nakapasa ka na dito at nakapag-enrol saka ka palang magiging listed student sa iskwelahan, So ganoon din sa pagpasok sa Iglesia, may mga req’ts: kailangan makapakinig ka muna ng “salita ng Dios” tapos dapat sampalatayanan mo ito hanggang sa umabot ka sa bautismo saka ka palang magkakaroon ng “karapatan” o listed as anak ng Dios.
Ngayon ang tanong dahil ba dito sureball ka na ba sa kaharian ng Dios sa langit ?
Huwag tayong malito mga kapatid. Gaya ng ginagawa kong halimbawa tungkol sa school at graduation. Ganoon din halos yung ating kwento. Kapag nasa loob ka na ng Iglesia parang nasa loob ka na ng eskwelahan. May pagkakataon parin na ikaw ay makick-out. Gaya ng sabi natin kanina, kailangan mong magtiyaga at matapos yung mga subjects mo para ka maka-graduate. Ganoon din sa atin sa loob ng iglesia. Sa 2Tes 1:11 ang sabi doon:
“Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, upang kayo'y ariing karapatdapat ng ating Dios sa pagkatawag sa inyo, at ganaping may kapangyarihan ang bawa't nais sa kabutihan at gawa ng pananampalataya;”
Parang sa school na kung papaano may mga projects at eksamen na Gagawin para ariing karapatdapat sa pagpasa sa isang subject. Ganoon din sa iglesia, hindi po tayo tutunganga dito. Meron po tayong mga gagawin na kung tawagin ay”gawa ng pananampalataya” para ariing karapatdapat.
Kung papaanong sa school maraming subjects na dapat pag-aralan, ganoon din tayo dito sa loob ng iglesia, marami din dapat pag-aralang gawin. Umpisa lang po yung bautismo.
For example, isa sa dapat nating pag-aralan ay yung pagtitiis gaya ng sinasabi sa 2Tes. 1:4-5. Hindi mo isusuko ang pananampalataya mo kahit na ano pang pagsubok ang iyong pagtitiisan. Kaya lang yung iba, pera palang ang problema suko na. Meron namang nalungkot lang, hanap na ng masayang grupo, yung iba naman, girlfriend or boyfriend palang ipinagpapalit na agad ang pag-ibig kay Kristo.
Ang ilan pa sa mga gawain na dapat nating pagsumikapan ay yung nakasulat sa Stgo. 1:27 pag-ingatang maging walang bahid dungis ang ating sarili. Kung bakit ay ito kasi yung pinakahandog natin sa Diyos, yung ating sarili, kaya dapat lagi nating sinisiguro na huwag mahawa ito sa kasalanan.
Ano pa, pakikibahagi sa pagpapalaganap ng salita ng Dios, bilang bahagi ng Iglesia. Dapat meron tayong ginagawang participation dito kasi lumalabas ito yung pinaka- major subject natin sa iglesia: Evangelization. At kapag successful ang project diyan libo-libong anghel daw ang nagkakatuwa sa langit (Luk.15:10).
Pagtulong sa kapwa o paggawa ng mabuti lalo na sa kapatid sa pananamplataya (Gal. 6:10) at marami pang iba na mga gawain sa iglesia na dapat meron tayong participation kasi kung hindi eh baka mapagsabihan tayo ng teacher natin na “naka-enrol ka nga o nasa loob ka nga ng iglesia, di ka naman pumapasok o di ka naman umaatend ng pagkakatipon, di ka pa nakikisali sa mga projects ninyong magkakaklase o di ka nakikibahagi sa mga gawain sa iglesia. Ang masaklap, di ka na nga nakikibahagi sa gawain ikaw pa pinakamareklamo.
Kung mapapansin ninyo dito sa ating bansa, kristianong naturingan pero karamihan hindi kristiayanong mamuhay. Yung mangaral ka nga lang ng salita ng Dios ngayon, meron ka na raw early stage of dementia tapos yung iba kukutyain ka pa. Huwag na huwag kang babangit ng tungkol sa religion sa gitna ng barkada at sigurado sandamakmak na kantiyaw ang aabutin mo.
Mas gusto ng Pilipino yung mga bagay na panlupa, sa Facebook lang di ba, mag post ka ng video tungkol sa pagkakakitaan, dami mong magiging followers, kung maganda kang babae, kumendeng kendeng ka lang sa tiktok ng half-naked malamang milyonaryo ka na after 1 year. Ganyan po ang tao ngayon. Bagamat alam ang kautusan ng Dios, yung kabaligtaran ang pinaggagawa at kapag nagsisi ka sa iyong pagkakasala at lumapit ka sa Dios sigurado pagtatawanan ka ng mga kakilala mo, pero yung puro kalokohan ang gawin mo tapos video mo at post mo sa social media “IDOL” ang tawag sayo kahit ng hindi mo kilala.
Nakakalungkot pero bilang mga iglesia ng Dios, huwag po sana tayong maging ganito Bagkus panghawakan nating mabuti yung turo gaya ng sabi sa Kaw. 4:13.
“ Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.”
So tiyaga-tiyaga lang then give our 100% sa mga gawain na iniatang sa atin. Malay mo sa kakatiyaga mo makapasa ka at kapag yun ang nangyari, pasok ka sa Kaharian ng Dios sa Langit. Sabi nga sa Roma 2:7
“Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan:”
FOCUS lang mga kapatid, pasasaan ba at gragraduate din tayo at makakapasok sa kaharian ng Dios sa pagdating ng ating pakakahihintay na Panginoon Hesus.
Marami pong salamat.