ANG PANANAMPALATAYANG HINDI PAKUNWARI
ANG PANANAMPALATAYANG HINDI PAKUNWARI
(2TIMOTEO 1:5)
AUG 21,2022
Ang pag-ibig nawa ng ating Panginoong Diyos Ama at ang kapayapaan ng ating Panginoong Hesucristo ang sumainyo mga kapatid.
PANANAMPALATAYANG HINDI PAKUNWARI.. Ito po ang ating pag uusapan sa umagang ito. Papaano ba malalaman kung pakunwari o tunay yung ating pananampalataya? May mga indicators ba ito? Mararamdaman ba natin kung peke o tunay ang pananampalataya natin o ng ating mga kasamahan?
Ang ibang ibig sabihin ng salitang “hindi pakunwari” ay hindi peke o kaya ay tapat. Sa ingles “sincere”.
Yun namang “pakunwari” ay hindi totoo, peke. Sa ingles pwedeng “hypocrite” o ipokrito o nagpapanggap.
Sa aklat ng Hebreo 11:1-3 ang mababasa natin doon tungkol sa pananampalataya ay ganito.
"Ngayon, ang pananampalataya ay siyang kapanatagan sa mga bagay na hinihintay, ang katunayan ng mga bagay na hindi nakikita."
Isa na siguro sa mahirap gawin ay yung maghintay, kailangan mo dito ng pasensiya, at sa kaso ng cristiano ay hindi lamang pasensiya ang kailangan mo kundi mahabang mahabang mahabang pasensiya, eh bakit nga hindi, simula nung sabihin ni Kristo na babalik siya eh mahigit dalawang libong taon na ang lumilipas hindi pa siya bumabalik. Malamang kung isa tayo sa walang mahabang pasensiya ay baka ngayon hindi na tayo iglesia.
Kaya nga kung hanggang ngayon ay matiyaga kang naghihintay, kung hanggang ngayon ay sabik ka sa pagdating ng Kristo bagamat ni anino niya hindi mo naman nakita, naniniwala ka na meron siyang Amang Diyos na magpapabalik sa kanya bagamat kahit ni minsan ni hindi mo nadinig ang tinig Niya, kung patuloy kang naniniwala na may mga anghel at laksa laksa nito ang kasama ng Kristo kapag baba niya dito sa lupa bagamat kahit isang balahibo ng pakpak ng anghel di ka pa nakakita, mabuti pa
yung panabong na manok baka nakahimas na tayo. Ito kapatid ay isa sa katunayan na ikaw ay may hindi pakunwaring pananampalataya.
Maraming mga kwento sa biblia tungkol sa mga taong nakitaan ng hindi pakunwaring pananampalataya, katulad ni Noe, na nangaral na gugunawin ang mundo noong panahon niya sa pamamagitan ng tubig kaya siya pinagawa ng Diyos ng daong at dapat lahat ng tao doon sasakay para hindi malunod. Kahit alam niyang pagtatawanan lang siya at walang maniniwala sa kanya, sige parin sa pagsunod si Noe. Tayo man kasi ang lumagay sa mga tao nun hindi ka maniniwala. Kasi kung baha lang din naman ang kinatatakutan ni Noe, eh malamang napakaraming mas malalaking banka kesa sa ginawa ni Noe, eh di dun nalang ako sasakay kaysa sa gawa niya, mukhang mas safe pa.
Pero si Noe na may hindi pakunwaring pananampalataya ay sumunod sa utos ng Diyos. Sinunod niya ang sukat ng daong na pinagagawa, hindi niya nilakihan, sinunod niya kung anong kahoy ang gagamitin, kung ano yung detalye sa paggawa ng daong, yun yung ginawa ni Noe, wala siyang binago kahit isa, dahil ito ang utos ng Diyos.
Kayo mga kapatid, bakit kayo nasa iglesiang ito? Napakaraming mas malalaking iglesia na may malalaking simbahan o kapilya, napakaraming mas masasayang paraan ng pagkakatipon na ginagawa sa iba, nagtatalunan pa nga at nagpapalakpakan, matututo kang sumayaw dun kasi parang party nga sa saya. Kung mahilig ka naman sa drama, gusto mo iyakan, meron din, punta ka dun sa maraming testimony, iyakan portion naman dun. Sa ibang simbahan ang gagaling magsipagturo ng mga pari o pastor, di ka aantukin dun.
Pero bakit kayo nagtitiyaga dito sa napakaliit at napakaboring na iglesia? Ano meron dito?
Kasi alam ninyo, from the bottom of your heart, ito ang iglesiang totoo. Ang mga gawain dito ay hindi para sa kasiyahan ng tao kundi ng Diyos. Wala tayo kahit isang binabago sa mga salitang ipinasulat ng Diyos sa banal na kasulatan. Gaya ni Noe, ginagawa natin kung ano yung saktong iniuutos ng Diyos sa atin. Halimbawa, dapat mong sambahin ang Diyos sa Espiritu at katotohanan (Jn.4:14) kaya hindi tayo gumagawa ng imahe o rebulto na siya nating yuyukuan para lang sa katwiran na kasi mas pakiramdam mo malapit sayo ang Diyos kapag may nakikita ka, ang binibigyan ng kasiyahan ay yung sariling pakiramdam, hindi yung sa damdamin ng Diyos. Wala silang pakialam kahit sinabi na Niya na Siya ay nagseselos kapag
ganun ang ginagawa natin. Hindi ba sa sampung utos lang, yung unang utos, dun nakasulat na yun (Exodo 20).
Tingnan ninyo si Abraham, nanahimik sa Ur, isang marangyang siyudad, biglang sabi ng Diyos umalis ka sa bayan na yan at bibigyan kita ng sarili mong bayan. Walang tanong tanong umalis at nag-alsa balutan. Ni hindi nagtanong na Panginoon baka malayo yung bayan na sinasabi ninyo, Panginoon malaki ba yung lupa na ibibgay mo sa akin? Safe ba pagpunta dun, huwag nalang at ok na ako dito baka madisgrasya pa ako sa daan.
Marami pang ibang mga kwento ng mga tao na nagpakita ng hindi pakunwaring pananampalataya na mababasa sa biblia pero ang isa sa makikita natin sa mga kwento nila ay ito: Ang panampalataya nila ay may gawa, may kilos, hindi patay. Si Noe nung inutusan ng Diyos na gumawa ng daong, ay nakabuo ng daong. Si Abraham nung sabihin lumabas sa Ur, agad agad lumabas ng Ur kahit di niya alam kung saan ang direksiyon ng kanyang pupuntahan, kakanan ba siya o kakaliwa? Diretso ba o aatras? Ito kasi ang patunay ng hindi pakunwaring panampalataya, yung pananampalatayang may gawa. Sabi nga sa Santiago 2:22
"Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya;"
Kung wala kasing gawa ay patay. Santiago 2:26
"Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay."
At hindi ito makapagliligtas sa tao. Santiago 2:14-20
"Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya'y may pananampalataya, nguni't walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan? 15Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw, 16At ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, Magsiyaon kayong payapa, kayo'y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma'y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito? 17Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili.18Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa: ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita sa iyo ang aking pananampalataya. 19Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig. 20Datapuwa't ibig mo bagang maalaman, Oh taong walang kabuluhan, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog?"
Anong pagkakaiba ng demonyong may pananampalataya sa taong may matuwid na pananampalataya? Kung tayo ay naniniwala sa Diyos, ang demonyo man naniniwala din, nakasama nga nila sa langit dati di ba? Pero sila, bagamat nanampalataya na merong Diyos, hindi nila sinusunod ang Diyos, kinokontra pa nga. Dito makikita natin na hindi ulit nanampalataya ka sa Diyos ay maliligtas ka, kailangan mong lakipan ng gawa ang iyong pananampalataya ng sa ganoon ay maiba kaysa doon sa nasa demonyo.
kung paparis lang tayo sa karaniwang kristiyano ngayon na natawag lang na kristiyano kasi nabinyagan ng pari nung bata o nahabilin ng ministro tapos wala na, ni hindi ka nga marunong magpasalamat sa Diyos tuwing kakain ka eh huwag ka nang umasang makakapasok sa sa langit. Basahin natin yung Mat. 5:20
"Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”
Si Kristo may sabi niyan ah, hindi ako. Basahin natin yung Mat. 23:1-5 para malaman natin yung ugali ng mga Pariseo.
"Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, 2 “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises.[3 Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. 4 Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. 5 Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa."
So kapag nakakarinig kayo ng pari, ministro o pastor na panay lang ang utos pero hindi naman ginagawa yung sinasabi nila, naku pakitang tao lang ang pananampalataya nun. Pari kunyari na nagbabawal ng pangangalunya pero dun naman inaatake sa puso sa beerhouse o sa ibabaw ng inupahang batang babae, kadami kayang balitang ganyan sa t.v. Pastor kunyari na kung ano anong utos ang sinasabi sa kapatiran pero sariling sangbahayan ni hindi mapasamba sa linggo, sila pa nagbibigay ng dahilan kung bakit di umaattend, papaano ka susunod sa ganun. Sariling mga anak hindi maipakasal pero panay ang turo na kailangan kasal muna bago ang pagsisiping. Maliwanag ang turo ni Kristo, bago ka magturo sa iba, sarili mo muna turuan mo. Bago ka mamahala sa iba, sarili mo munang pamilya ang pamahalaan mong mabuti. Papaano susunod sayo yung iba kung sarili mong pamilya ayaw kang sundin.
Isa ito mga kapatid sa palatandaan ng tunay na pastor, yung sarili niyang pamilya ang una niyang tagasunod. Kaya nga ako ay natutuwa na makasama kayo na pamilya ng namayapang Gerry Osallia, ang inyong pamilya ang karamihan sa bumubuo sa iglesia dito sa Isabela, kayo ang kanyang pangunahing bunga, na nagpapatunay na siya ay karapatdapat sa pagiging manggagawa ng Panginoon. Madali kasing magpakitang tao sa iba, akala mo napakabait pero masama pala ang ugali, napakagaling magsalita sa iba pero mismong sariling pamilya walang bilib. Kung sino yung kasama sa bahay, kung sino yung pamilya, yun yung tunay na nakakakilala sa pastor. Sapagkat hindi mo maitatago ang tunay mong ugali kapag nasa bahay ka na, at ito ay makikita ng pamilya. Kaya ako ay natutuwa tuwing nakikita ko kayo, sapagkat hindi man na natin nakakasama si ka Gerry, pero yung iniwan niyang gawa ng kanyang hindi pakunwaring pananampalataya, eto nakakasama ko sa paglilingkod sa Diyos ngayon, kayo.
Sa mga hindi tunay na manggagawa, eto naman ang sabi ng Panginoong Jesucristo, Mateo 23:23
“Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos."
Gawin natin lahat ng utos, kahit yung maliliit pero huwag nating kalilimutan na dapat sa lahat ng ating pagkilos ay may halong katarungan, habag at katapatan. Maging tapat tayo, Huwag tayong nanloloko, huling huli ka na nga nangangatwiran ka pa. Dapat alam natin na hindi makatwiran yung iuutos mo sa iba pero ikaw mismo at ang iyong pamilya eh hindi naman magawa yung iniuutos mo. Huwag yung kapag sa iba mahigpit ka pero kapag ikaw na at iyong pamilya ang sangkot panay ang bigay natin ng dahilan. Sabi nga sa Mat. 23:25-28, kapag ganyan ka eh malamang mapagkunwari ka lang, mapag imbabaw
"Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. 26 Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan][d] at magiging malinis din ang labas nito! 27 “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. 28 Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.”
Sana labas at loob ng ating pagkatao ay malinis, huwag yung simba lang tayo ng simba pero di naman makita sating pamumuhay yung mga pinag aaralan natin sa simbahan. Dapat yung nadidinig sa aral ay isinasabuhay hindi pinadadaan lang sa kaliwang tengga tapos palalabasin sa kanang tengga.
Pero huwag din naman nating kalimutan na parte ng ipinapaparaktis sa atin ni Kristo yung magkaroon tayo ng habag, huwag tayong mapaghusga na kapag nakakakita tayo ng ganitong mga kapatid ay sasabihin na agad natin siya ay masamang kapatid at dahil dito malamang hindi siya maliligtas. Huwag ganun. Ang habag ang siyang magtuturo sa atin kung papaano unawain ang ating kapatid sa kanilang mga kakulangan at siya namang magpapakilos sa atin para sila ay agapayan kasi kaya nga nila hindi magawa ay dahil hindi nga nila kaya. Kung iniisip mo na ikaw kaya mo eh baka naman mas extra energy ka pa para buhatin yung kapatid mo.
Hindi natin alam ang buong kwento ng kanilang mga buhay o ng sinumang tao, sigurado may dahilan kung bakit sila nasa hindi magandang kalagayan at kung mauunawaan lang natin ito, malamang hindi natin sila huhusgahan bagkus kahahabagan natin sila at tutulungan.
After all, sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng habag? Di ba dahil lang din sa habag kaya tayo umaasang maliligtas? Sabi nga sa Tito 3:4-5
"Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin…."
Lahat naman tayo ay may mga nagawang pagkakamali na yung iba dito nakakahiyang banggitin o alalahanin man lang. Hindi ba dahil lang din sa awa ng Diyos kaya tayo nandidito ngayon? Hindi ba ipinaramdam lang din Niya sa atin ang awa kaya may lakas tayo ng loob maglingkod sa Kaya ngayon? Kaya huwag tayong mauubusan ng habag sa kapwa ng sa ganoon ay hindi din maubusan ng habag sa atin ang Diyos.
Lagi nating tatandaan ang bilin ni Apostol Pablo sa kanyang unang sulat kay Timoteo kapitulo uno talatang singko na tagos hanggang sa atin:
"Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya."
Hanggang dito nalang po at loobin nawa ng Diyos na maisabuhay natin ang mga tagubiling ito. Muli, Kapayapaan ang sumainyo mga kapatid.