ANO KAYANG URI NG TAO ITO?

ANO KAYANG URI NG TAO ITO?

Mateo 8:27


Sept. 4, 2022


Pag-ibig mula sa Diyos Ama at kapayapaang nagmumula sa Panginoong Jesucristo ang sumainyo mga kapatid.


ANONG URI KAYA NG TAO ITO?


Yan po ang mga katagang nasabi ng mga taong nakasaksi sa mga himala ng ating Panginoong Jesucristo. Sino ba naman ang mag-aakala na ang isang taong galing sa Nazareth ay gagawa ng mga kagilagilalas at kamangha-manghang mga bagay. Galing sa isang napakaliit na bayan na iilang pamilya lang ang nakatira, inaccesible ang daan kaya halos walang pumupunta kasi wala ka naman pupuntahan talaga, walang gaanong pwedeng gawing hanapbuhay at pati tubig na maiinom ay limitado ang pagkukuhanan. Kung baga ay parang remote area.


Dito nanggaling si Jesus na gumawa ng mga hindi nakakapaniwalang mga himala. 


Katulad halimbawa ng pagpapasunod sa kalikasan at pagsaway sa malakas na bagyo, pakibasa po ang Mat. 8:23-27


"At pagkalulan niya sa isang daong, ay sinundan siya ng kaniyang mga alagad. 24At narito, bumangon ang isang malakas na bagyo sa dagat, na ano pa't inaapawan ang daong ng mga alon: datapuwa't siya'y natutulog. 25At nagsilapit sila sa kaniya, at siya'y ginising, na sinasabi, Panginoon, iligtas mo kami; kami'y mangamamatay. 26At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangatatakot, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya? Nang magkagayo'y nagbangon siya, at sinaway ang mga hangin at ang dagat; at humusay na totoo ang panahon. 27At ang mga tao ay nangagtaka, na sinasabi, Anong tao ito, na maging ang mga hangin at ang mga dagat ay nagsisitalima sa kaniya?"


Pati mga dimonyo ay takot sa kanya at nakikiusap pa ang mga ito na baka pwedeng pakitaan sila ng kabutihang loob. Pakibasa po yung Mat. 8:28-32


"At nang siya'y makarating sa kabilang ibayo sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonio na nagsisilabas sa mga libingan, na totoong mababangis, na ano pa't sinoma'y walang makapagdaan sa daang yaon. 29At narito, sila'y nagsisigaw, na nangagsasabi, Anong aming ipakikialam sa iyo, ikaw na Anak ng Dios? naparito ka baga upang kami'y iyong pahirapan bago dumating ang kapanahunan? 30Sa malayo sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nagsisipanginain. 31At namanhik sa kaniya ang mga demonio, na nangagsasabi, Kung kami'y palalayasin mo, ay paparoonin mo kami sa kawan ng mga baboy. 32At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo. At sila'y nagsilabas, at nagsipasok sa mga baboy: at narito, ang buong kawan ng mga baboy ay nangapadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, at nangamatay sa tubig."


Tayo man ang makakita ng mga ganitong gawain ay siguradong bibilib din tayo, kasi parang hindi ordinaryo yung mga kaya gawin ng taong ito.


Anong uri nga ba kasi ng tao si Jesus?


Sa biblia, kung gusto mong makilala ang isang tao, ginagamitan nila ito ng genealogy, halimbawa kung pari ka sigurado galing ka sa lahi ng levita, kapag high priest, ninuno mo si Aaron ng lahing levita. Kung hari ka naman sigurado ninuno mo si David na lahi ng Judah. Sana alam pa po ninyo yung historya ng 12 tribes of Israel.


Sa kaso ni Jesus, dalawa ang ipinapakitang genealogy niya.


Una, sa libro ng Mateo at Lukas ipinakita dito yung Jesus as a Man.

Pangalawa, sa libro naman ni Juan, doon naman yung Jesus as a Son of God


Doon muna tayo sa Jesus as a Man. Kapag binasa ninyo yung Mateo 1:1-16 at Lukas 3:23-38, makikita ninyo dun kung sino-sino ang mga ninuno ni Jesus o kaninong lahi siya nanggaling at ang ending nga ay ipinanganak siya ng isang babae na nagngangalang Maria. Isang tao na katulad natin kaya malamang ang ipapanganak ay tao din.


At bilang tao, kung ano experiences mo ay malamang na-experience din ni Jesus. Nakaramdam din siya ng gutom, nauhaw, natulog, nagalit, umiyak, and other human emotions. Naranasan niya lahat yun. At ang pinakahuli nga ay naranasan niyang mamatay ( Roma 8:34)


Pangalawang genealogy ni Jesus ay yung sa aklat naman ng Juan.



Jesus as a Son of God


Juan 1:1-2


"Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios. 2Ito rin nang pasimula'y sumasa Dios."


Juan 1:14


"At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan."


At sabi sa Juan 1:18, siya yung bugtong na Anak ng Diyos.


Kapag inanalisa natin ang mga talatang yan, lumalabas na si Jesus ay nag-iisang anak ng Diyos. Kung ang magulang ay Diyos malamang Diyos din ang Anak.


Si Cristo ang pasimula, ibig sabihin siya yung unang nilalang hindi sa pamamagitan ng salita gaya ng kaparaanan katulad ng sa ibang nilikha kundi sa pamamagitan ng pagkapanganak. (Heb. 1:5)


"Ikaw ay aking anak, ikaw ay aking ipinanganak ngayon. . ."


Kelan yung ngayon na sinasabi diyan? Pakibasa yung aklat ng Kaw. 8:22-30


"Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.

23 Ako'y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa.

24 Ako'y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig.

25 Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako'y nailabas:

26 Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.

27 Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya'y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:

28 Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:

29 Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa:

30 Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya;"


Lumalabas na bago pa ang lahat nalikha, nandoon na si Jesus. Katunayan, kasama na nga siya sa paglalang ng Diyos sa tao Gen 1:26


"At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis . . ."


Yun pong salitang Natin ay plural form hindi singular, ay yung sentence ay conversational ang pagkasabi.


Ngayon kung si Cristo naman pala ay anak ng Diyos na hari ng kalangitan at may ari ng lahat ng mga bagay, eh di ang sarap pala ng buhay niya, di ba yung anak ka lang ng hari sa lupa kasarap na eh di lalo na kung anak ka ng Hari sa langit.


Eh bakit nagkatawang tao pa siya tapos dumaan pa ng parusa kahit wala namang kasalanan bago patayin? Anong dahilan? 


Pag-ibig niya sayo kapatid, ayaw ka kasi niyang maparusahan sa darating na paghuhukom kaya siya na umako ng parusa para sa iyo na. Kungbaga sagot ka na Niya. Di baleng siya na ang mamatay huwag lang kaluluwa mo ang patayin sa impiyerno. Imbes na pahirap ang makamit mo, mas gusto Niya na kaligayan ang mapasaiyo, kung ano yung ginhawa na meron siya sa piling ng kayang Amang Hari, ganun din ang gusto niyang maranasan mo. Kung ano meron siya, ibibgay niya sa iyo. 


Darating ang panahon, lahat tayo haharap sa Diyos at huhukuman ang ating mga ginawa gaya ng sabi sa Ecc. 12:14


"Sapagka't dadalhin ng Dios ang bawa't gawa sa kahatulan, pati ng bawa't kubling bagay, maging ito'y mabuti o maging ito'y masama."


Dito tayo sasagutin ni Cristo, sa paghuhukom.


Di ba napakagandang halimbawa ni Jesus. Napakadakila ng kanyang sakripisyo para sa iyo? Siya na maghirap huwag lang ikaw, kasi iniibig ka Niya.


Ngayon ang tanong, ginagaya mo ba siya, nagsasakripisyo ka ba para sa iba? Para sa iyong kapatid? O kapatid mo ang pinagsasakripisyo mo para sa iyo?


Pwede din siguro nating itanong ito sa sarili natin ano? 


Anong uri ng tao kaya ako?

O kaya naman anong uri ng tao kaya itong katabi ko?


Ako kaya yung taong naging kristiyano lang sa pangalan pero hindi naman kristiyano mamuhay? Sandaling nagbago pero after kaunting panahon balik uli sa dati.

Kung nasaan si san miguel nandoon din ako, kung may sakristan nga lang si san miguel siguradong qualified na qualified ako. Yung pera ko handa lagi sa sugalan  pero ang hirap bunutin kapag proyekto sa iglesia o pantulong sa iba, pero huwag ka kapag ako hihingi ng tulong may paiyak-iyak pa. Sarap tomoma sa kabaret at yumakap sa seksing ka-table ko kesa kay mrs. na amoy pawis sa maghapong pagtitnda sa palengke. Ayaw ko na nga halos umuwi kasi ang sarap magyabang sa harap ng ibang babae.


Ako ba yung uri ng tao na after tulungan ng kapatid ko reklamo pa igaganti ko, minsan naman natulungan na nga ako, paghihinalaan ko pa.


O di kaya naman siya kaya yung nagsasabi na bawal mangalunya pero habang itinuturo niya ito ay hayun, after pagsamba sa kabet niya naman ang uwi.


Ganyang uri ng tao ba tayo? Ganyang uri ng tao ba ang katabi mo? Ingat ka ingat ka baka lobo na yang katabi mo at hindi na tao.


O baka naman ako yung uri ng tao na gawa ng gawa ng mabuti, tulong dito tulong doon, pero gusto ko laging nasa likod ang camera, di pwedeng bawat kembot ko hindi malalaman ng iba, gusto ko laging broadcast yung ginagawa ko kase feeling ko ang bait bait ko. Huwag na huwag kang hindi magpapasalamat at sigurado sasabihin ko sayo, napakawalang utang na loob mo.


O baka naman ikaw yung uri ng kabataan na kapag tinanong ano religion mo? Di mo masabi sabing Iglesia ng Dios kasi nahihiya ka at baka mamaya sundan ka ng tanong na, meron ba nun? Saan kayo sumasamba?


Sana mga kapatid, kapag tayo ay humarap na sa Diyos at tanungin tayo, anong uring tao ka?


Ang masasagot natin ay ganito.

Ako po ay makasalanang tao na tinubos ng aking Panginoong Jesucristo na nagpupumilit na lumakad sa ipinakita niyang halimbawa. Hindi ko kayang bayaran ang aking mga nagawa pagkakamali pero ito ay akin ng tinalikdan at di na ginagawang muli. Yung po yung imporatante, yung hindi na paggawa muli ng pagkakamali.


Kailan mo dapat gawin yan? Ang sagot ay NGAYON, kalimutan mo na yung kahapon, ano man ang nagawa mo nun, mabuti man o masama, tapos na yun, di mo na maibabalik pa kahit ano pa gawin mo. Ang importante ay yung gagawin mo ngayon.


Ang gamot na nakagagaling kadalasan mapait, ang katotohanan ay kadalasan masakit. Kung nasaktan ka sa mga sinabi ko, magpasalamat ka at ito ay nagpapatunay na hindi ka pa manhid.


Hindi ka na ba sasamba kasi nasaktan ka or tatanggapin mo ito bilang isang hamon para patunayan sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos na hindi ka isa sa mga binanggit ko.


O di kaya naman kung ginagawa mo nga talaga ito ay dalhin ka sa pagsisisi at huwag na itong ulitin pa muli.


Choice ninyo po iyan mga kapatid, ang aking tungkulin ay magsalita ng katotohanan, masakit man sa pandinig, kung saan kayo nito dadalhin, kayo po ang magpapasya at ang inyo pong kapasyahan ang siyang magpapatunay kung anong uring tao ka nga ba talaga?


Kapayapaan muli ang sumainyo mga kapatid.