BAKIT HINDI MO SUBUKANG BASAHIN ANG BIBLIA?

 

Enero, 1993

Mahal kong kaibigan,

Sabi nila ang Biblia daw ang pinakamaraming kopyang naiimprenta sa bawat taon. Sabi din nila ang Biblia daw ang pinakakaunti ang bumabasa. Kasama ka ba sa kaunting yaon? Kung hindi, bakit hindi mo subukang basahin ang Biblia?

Basahin mo ang Biblia! Ayaw mo bang mabasa ang isang aklat na naglalaman ng animnapu't-anim (66) na munting mga aklat? Ang tanging aklat na isinulat na hindi kukulangin sa tatlumput anim (36) na magkakaibang tao na nasa bawat kalagayan ng pamumuhay? Nagsisulat sa tatlong (3) kontinente at mga bansa, sa haba ng panahong labinglimang daang taon (1,500 yrs)?

Basahin mo ang Biblia! Ayaw mo bang mabasa ang unang limang aklat dito na pinagbasehan ng ating mga batas? Ang tunay na kasaysayan kung paano nagkaroon at nagsimula ang lahat ng mga bagay? Ang panitikan na kahanay ng mga dakilang panitikan sa daigdig? Higit sa lahat ang propesiya na nagsasabi ng mga bagay na mangyayari pa lamang?

Basahin mo ang Biblia upang maging matalino, paniwalaan ito upang maligtas at isagawa ito upang maging banal. Naglalaman ito ng liwanag para patnubayan ka, pagkain para tustusan ka at kaginhawahan para pasayahin ka.

Basahin mo ang Biblia ng dahan-dahan, madalas, na waring nagdadasal. Ito ay mina ng kayamanan, paraiso ng kaluwalhatian at ilog ng kagalakan.

"Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Dios at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Dios ay magiging handa sa lahat ng mabuting gawain." (2Tim. 3:15).

Magtiwala ka sa Biblia! Basahin mo muna, bago ka maniwala sa sabi-sabi na ito ay puno ng salungatan. Basahin mo ito ngayon at huwag bukas sapagkat ang bukas kailanman ay hindi darating. Samantalahin mo ang panahon habang malinaw pa ang paningin mo. Ano pa ang hinihintay mo? Bakit hindi mo subukan?

Biyaya at kapayapaan mula sa nag-iisang Dios Ama at sa nag-iisang Panginoong Jesucristo ang sumaiyo.


Ang kapwa sa Panginoon,

Aurel


 Click here if you want to -----> go back to page ANG LIHAM PAGLILIGTAS