IKAW BETHLEHEM EPHRATA AY LALABAS ANG ISA NA MAGPUPUNO SA ISRAEL




IKAW BETHLEHEM EPHRATA AY LALABAS ANG ISA NA MAGPUPUNO SA ISRAEL 

(Mikas 5:2; Mat. 2:6)


Oct. 16,2022

Santiago City, Isabela





Ang ating pag-aaralan sa umagang ito ay tungkol sa isang hula na halos 3,000 libong taon na ang nakalilipas. Ito ay nagmula sa isang propetang nagngangalang Mikas o Micah sa matandang tipan. 


Ang old Testament po ay binubuo ng 39 na maliliit na libro. At ito po ay hinati sa tatlong division yung iba apat (4) katulad nung nasa slide:


  1. Torah - 1st 5 books n kung Tawagin din ay pentateuch o Law o mga batas.
  2. Ketuvim o writings (11 books)
  3. Nevi’im o “prophets” kung saan hinati uli ito sa dalawa (2) Yung major prophets (5) yan yung mahahabang sulat - Isaiah, Jeremiah, Lamentations, Ezekiel at Daniel. Then yung maiikling sulat ay yung minor prophets na at kasama doon yung libro ni Micah.


Sa kanyang hula na gaya ng mababasa ninyo sa slide. “Ngunit ikaw, Bethlehem Ephrata, sa iyo lalabas ang isang magpupuno sa Israel. (Mikas 5:2).


Ang Bethelem ay nahahati sa dalawang lugar, tingnan po ninyo yung map sa slide. Yung isa nasa Northern Part or Up North at yung near Jerusalem kung saan naroon itong Bethlehem Ephrata. Isa itong maliit na bayan na malapit sa Jerusalem sa gawing west bank of Jordan river. Dito din sinasabing lumaki si haring David at naging lugar ng kapanganakan ni Cristo kaya sa ngayon ay ito yung sikat na parte ng Bethlehem.


Ang ibang kahulugan ng Ephrata ay “fruitful” kaya pwede nating sabihin na ang ibig sabihin ng Bethlehem Ephrata ay “small but fruitful town”.


Ang hulang ito kapag binasa nating yung Mikas 5:1 ay lumalabas na panahon nila Jotham, Ahaz, at Hezekiah na mga hari ng Judah noong 750 B.C. to 687 B.C.


At natupad ang  hulang ito sa panahon ni Herodes kapag binasa natin yung Mat. 2:1-2. Ayon kay Josephus, isang biblical historian, si Herodes ay namahala between 37 B.C. to 4 B.C.


Kaya yung hula ni Micah ay natupad after 650 to 700 years. Ganoon katagal.


Basahin natin yung hula at ating pag-aralan kung natupad nga ba. 

Sa Micas 5::2 


“Nguni't ikaw, Beth-lehem Ephrata, na maliit upang lumagay sa libolibo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magpupuno sa Israel; na ang pinagbuhatan niya ay mula nang una, mula nang walang hanggan.”


So mula daw sa maliit na bayan ng Bethlehem, sa angkan ni Judah ay may lalabas na isang pinuno ng Israel na ang pinanggalingan ay mula sa walang hanggan. 


Sino yung mula nang una? Sino yung mula nang walang hanggan? 

Sa English version, …. have been from old, from evelasting.


Di po ba kapag binasa natin yung Mga Awit 90:2 at Nehemiah 19:5, lumalabas na ang Amang Dios yan?


So yung hulang ito ay natupad sa ating Panginoon Jesucristo. Siya yung tinatawag na supling ni David na galing sa angkan ng Judah. At siya yung verbong nagkatawang tao na nagmula sa Amang Diyos.


Ang ganitong mga katuparan ng isang hula kahit na napakatagal na ng panahon ang nagdaan ay isang patunay lamang na ang mga salita sa biblia ay mapanghahawan at walang pagsalang matutupad. Kaya nga ang sabi sa 2Ped. 1:20-21 ay ganito:


“Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, 

21 sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”


Ang mga hula kasi sa biblia ay galing sa Diyos mismo at ang mga sumulat nito ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. 


The writers were inspired by the Holy Spirit kaya yung mga sinulat nila ay hindi galing sa sarili nilang kaisipan kundi ito ay kaisipan ng Diyos.


Sa 2Tim 3:15-17 ganito pa ang sabi:


“Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 

16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 

17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.”


Kaya nga po ang mga tagapagturo sa ngayon sa relihiyong Kristiyanismo ay ang Biblia ang ginagamit na basehan para sa isang matuwid na pamumuhay habang naghihintay sa pagbabalik ng pinunong inihula ni propeta Micah.


Kaya lang hindi naman lahat ng propeta ay katulad ni Micah na natutupad yung hula at bilang paalala, ang sabi sa Deut. 18:22:


“Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nagsalita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.”


So kapag hindi natupad ang hula, ang sabi ng biblia, hambog lang ang propetang iyon, kung baga mapagmarunong, sinasabi ang isang bagay na nanggaling sa Diyos kahit na iyon ay sariling bunga lang ng kanyang kaisipan.


At maraming ganyan sa panahon natin ngayon. Di ba may isang sekta dati nga na panay ang hula ng petsa ng pagdating Kristo, sa dami ng ibinigay na petsa ni minsan hindi nakatsamba, Ewan ko lang kung ginagawa pa nila ito ngayon. 

Kung natatandaan ninyo pa yung panahon na nauso yung salitang “rupture”. Ang daming natakot at yung iba na magulang di na pinag-aral yung mga anak kasi dadating na daw ang Cristo. Ang problema nagka-anak na yung mga anak nila hanggang ngayon wala pa ang Kristo.


Yung ibang lider naman, ang sabi siya daw yung “Son of God”, kapag ganun nga naman wala ka ng mali sa panghuhula kung kelan darating kasi siya na nga daw yun.


Ano ang bilin ng biblia sa atin tungkol sa mga ganitong eksena na nakakaharap natin sa araw araw? Mat. 24:4-5


“At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. 

Sapagka't marami ang magsisiparito sa aking pangalan, na mangagsasabi, Ako ang Cristo; at ililigaw ang marami.”


Ito pa ang dagdag sa talatang 23 - 26:


“Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinomang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. 

24Sapagka't may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa't ililigaw, kung maaari, pati ng mga hirang. 

25Narito, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. 

26Kaya nga kung sa inyo'y kanilang sasabihin, Narito, siya'y nasa ilang; huwag kayong magsilabas: Narito, siya'y nasa mga silid; huwag ninyong paniwalaan.”


So sa biblia lang po tayo maniwala mga kapatid huwag sa mga hambog na mga tagapagturo na ang mga hula ay hindi naman natutupad. Hindi po ako naninira ah,inuulit ko lang po yung nakasulat sa Deut. 18:22. 


Kasi naman ang linaw naman na ng sabi ni Cristo sa Mat. 24:36, kahit siya di niya alam kung kelan siya babalik tapos eto yung mga ang lalakas ng loob manghula, marunong pa kesa dun sa mismong babalik, lagi tuloy palpak ang salita. Tandaan po natin ang bilin ni Cristo kung mahilig tayong makinig sa mga turo ng iba na hindi naman totoo. Huwag ninyong paniwalaan.


Kadami kasing ganyan sa internet, yung iba nagpapagaling pa nga ng sakit kahit daw cancer pa yan kaya uso yung healing priest. Yung iba naman papayamanin ka daw. 


Noong araw na pumupunta kami ng Baclaran para mamili ng panindang sapatos. Yung mga matatandang babae na mga suki naming wholesaler, yung pwesto nila laging may pulang panyo, parang agimat na nakakahalina daw ng buyer. Bibili pa sila ng payong, tapos sa pagtitipon uutusan sila nung lider na buksan nila yung payong at ibaliktad para daw masahod nila yung biyaya na galling sa langit na ibubuhos ng Diyos.


So paalala lang po sa pakikinig ng aral ng iba. Ito po ay nakapagbibigay ng maganda at pangit na resulta sa isang tunay na mananampalataya.


Maganda kung kaya ninyo itong ikumpara sa inyong banal na turo ng makita ninyo kung ano ang tama at mali.


Pero kapag hindi pa po ninyo kabisadong kabisado ang aral at turo ng Iglesia, eh baka mamaya ang mapaniwalaan ninyo ay yung panloloko na ginagawa nila.


Ako po personally mahilig din mag-aral ng paniniwala ng ibang religion at naii-share ko pa minsan sa Facebook. Pero nung mabasa ko yung paalala ng central tungkol sa pagsha-share ng mga ganito sa Facebook naisip  ko na parang mali nga kasi baka ang isipin ng ibang kapatid na friends ko sa Facebook ay nakikiayon ako sa ibang sekta at baka matisod pa sila. So ang ginawa ko binura ko nalang lahat ng may kinalaman sa usaping spiritual at baka nga mamaya ay hindi pa maganda ang ibunga sa ibang kapatid at doon naman sa hindi kapatid ay baka isipin pinatatamaan ko sila.


So ang akin pong payo kung mahilig tayong makinig ng aral ng iba, kabisaduhin po muna natin ng husto yung ating sariling aral at ito kasi yung pinakapundasyon para hindi maigiba ng ibang turo yung ating pananampalataya. Sa ibang grupo po kasi ay makakakita kayo ng napakaraming gimik para mapaniwala lang kayo na dito sa atin ay hindi ginagawa.


Katulad halimbawa ng kesyo mapapagaling ka sa malubha mong sakit, mapapalakas ka at mapapahaba ang buhay mo, magkakaanak ka dumalaw ka lang at magdala ng itlog sa simbahan nila. Papasa ka sa eksamen bumili ka lang ng ballpen na ibinebenta nila. Sa iba mapapaindaw ka sa saya ng pagtuturo nila, sabi ko nga parang banda kasi panay ang kanta. Yung iba naman mapapahagulgol ka sa mga testimony na maririnig mo sa pagtitipon nila. At marami pang iba pang ibang gimik na ang target ay ang iyong emosyon para sumama ka lang sa kanila.


Tandaan natin mga kapatid. Hindi ito ang mga dahilan kaya tayo nag iglesia ng Diyos. Nanampalalataya tayo dahil sa pangako ni Kristo na ililigtas tayo sa parusa sa ikalawang kamatayan at magandang buhay hindi sa lupang ito kundi sa ikalawang buhay. Yun yung dahilan kaya tayo naririto. 


Pinatunayan ni Cristo sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli sa mga patay na tayo rin, hindi man makaligtas sa kahirapan ng buhay dito sa lupa at maging sa kamatayan man pero may pag-asa na mabubuhay din tayong muli katulad ng ating Panginoong Jesus.


Kasi kung ang dahilan ng pananampalataya natin ay yung mga binanggit ko sa itaas na ipinanghahalina ng iba. Ang sabi nga ni apostol Pablo sa 1Corinto 15:19: kahabag habag lang daw tayo at sa talatang 17; wala daw kabuluhan ang ating pananampalataya, kaya kung ganoon lang din naman, ang sabi sa talatang 32: kumain at uminom nalang daw tayo. Parang ang ibig sabihin, huwag ka nang mag-iglesia kung ang pananampalataya mo ay para lang dito sa lupa.


Huwag tayong masyadong mapapaniwalain sa mga turo ng iba na sabi nga sa binasa natin sa Deut. ay kayabangan lang sapagkat hindi naman galing sa Diyos. Ang pag-igihan natin ay kung papaano makapagtitiis sa araw araw na pamumuhay na alinsunod sa kanyang mga kautusan at makagawa ng mabuti sa pamamagitan ng pangalang ng ating Panginoong Jesucristo at ito a ang paggawa ng mabuti sa pamamagitan ng iglesia na siyang katawan ni Cristo.


So sa biblia lang po tayo maniwala huwag sa mga huwad na tagapagturo, kaya nga po tayo sa iglesia, ang itinuturo lang natin ay yung galing sa biblia kasi dito sigurado tayo na turo ng Diyos ang nadidinig natin na siyang pinakapagkain ng ating mga kaluluwa. Sabi nga sa Mikas 5:4..


“ At siya'y titindig, at magpapakain ng kaniyang kawan sa kalakasan ng Panginoon, sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Dios: at sila'y mananatili; sapagka't ngayon siya'y magiging dakila hanggang sa mga wakas ng lupa.”


Si Cristo po yan, siya yung nagpapakain sa ating mga kaluluwa sa pamamagitan ng kanyang mga turo. Siya yung pinakapastor ng kawan o iglesia ng Diyos sa Jn.10:11


So saan po ba natin makikita yung kanyang turo? Sa biblia lang. Kaya nga yun lang naman ang ipinasusunod sa atin maging ng mga apostol.


At kahit na makarinig pa tayo ng ibang aral na minsan ay hindi natin maiiwasan, ang importante ay yung mga utos lang ni Cristo ang ating susundin at dito sa Iglesia ay yun ang ating pinagsusumikapan na gawin.


Kapag ganito ang ating uugaliin, ang sabi sa Roma 5:1


“Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo;”


At ito ang pinaka importante sa lahat, yung magkaroon tayo ng peace treaty sa Diyos ng hindi tayo matamaan ng parusa sa darating na paghuhukom.


At ang sabi nga natin kanina, ang hula ng tunay na propeta ay walang pagsalang mangyayari. Lalo na nga kung ang mga hula ay galing mismo sa  Anak ng Diyos. 


Kaya ang lahat ng ating paniniwala, lahat ng ating pag-asa ay dapat doon lamang sa kung ano ang kanyang sinalita sapagkat siya lamang ang ating kinikilalang pinuno hindi lamang ng Israel na gaya ng sabi ni Micah kundi siyang pinuno rin sa lahat ng bagay sa iglesia (Efe. 1:22)


Ito po ang magawa nating lahat mula ngayon at magpakailanman. 

Biyaya muli ng Diyos ang sumainyo mga kapatid.