INAGAW NG MASAMA ANG NAHASIK SA KANYANG PUSO
INAGAW NG MASAMA ANG NAHASIK SA KANYANG PUSO
Mat. 13:19
December 18, 2022
Kapayapaan ng ating Diyos at ng Panginoong Jesucristo ang sumainyo pong lahat, ganoon din ang aking ibinabati sa mga kapatid na naka-online.
INAGAW NG MASAMA ANG NAHASIK SA KANYANG PUSO. Ito po ang ating teksto para sa umagang ito na hinango sa Mat. 13:19.
Galing ito doon sa talinghaga tungkol sa maghahasik. 1.Daan 2. Batuhan. 3. Dawagan 4. Mabuting lupa.
Yung paraan po noon ng pagbubukid nila ay medyo may kaunting kaibahan sa paraan ng pagbubukid na nakikita natin ngayon sa ating bansa, noon po ganito (show slide), isinasabog, sa atin po dito, ang pagtatanim ng palay ay itinutusok (show slide).
Ganito naman halos ang itsura ng sakahan lalo na sa mga hindi develop ang kalsada. Eto po yung ilang mga pics na nakuha ko. Yung field, then sa gilid niyan tinutubuan ng damo, then maliliit na mga bato sa gilid ng kalsada.
Noong araw po lalo na kung maliit ang pag-aaring lupa siyempre gusto mo ma-maximize yung paghahasik kaya kahit na yung pinakagilid hinahasikan. So sa pagsaboy ng binhi hindi naiiwasan na yung iba mapunta na sa bandang tinutubuan ng mga damo, sa gilid ng kalsada kung saan mabato at yung iba umaabot pa hanggang sa kalsada o daan kung saan yung lupa ay saksakan na ng tigas para tumubo ang binhi.
Sa kwento ng talinhaga ay merong binhi, ito ay sumisimbulo sa “salita ng Dios” (Luk. 8:11) o word of the kingdom. Ang iba’t ibang klase ng lupa naman ay kumakatawan sa tao na merong iba’t ibang paraan ng pagtanggap o different levels of interest.
1. DAWAGAN - read Mar. 4:7
“May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. “
papaano naiinis o nasasakal? Una dahil sa tinik ng dawag, subukan po ninyo na hilahin yung talahib o damo, meron po siyang maliliit na parang tusok, matalim siya, nakasugat. kaya kapag lumaki ito at dumikit o makipagsiksikan sila sa isang lugar sa mabuting pananim, mas nanaig sila kaysa doon sa mabuting pananim.
Pangalawa nakikipag-agawan ng sustansiya sa lupa yung dawag, mas mabilis silang lumaki at lumago kaysa doon sa mabuting pananim. Kaya ano daw po nangyayari? Pakibasa yung Mar. 4:18-19.
“Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos 19 ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga.”
So hindi po talaga pwedeng maging prayoridad ng isang Kristiano ang pera. Hindi tayo pwedeng maging materialistic. Ang laging nasa isip na blessing ay kayamanan.
Dalawa po ang daya ng kayamanan. Una yung MARAMI na nagdudulot sa tao ng kawalan ng panahon para sa Dios. “NAKIKIPAG-AGAWAN” sa atensiyon mo, sa oras mo. Kinakailangan na siya ang una mong pagtuunan ng panahon kasi kailangan ma-maintain mo siya ng hindi siya mawala. Kaya yung full attention mo dapat ang ibigay mo para ma-maintain mo ang kayamanan mo.
Pangalawa yung KULANG nagdudulot sa tao ng pagbibigay ng mas maraming panahon para siya ay iyong hanapin, kaya kahit linggo kailangan magtrabaho ka, kahit na minsan masama na yung gagawin mo sige ka parin kasi kailangan mo ng pera, natututo kang mangupit, natututo kang tumanggap ng lagay, hanggang umabot ka na sa pagnanakaw at iba pang mga krimen na ang layunin ay maibsan ang pangangailangan mo sa pera.
Minsan ito din ang hahadlang sa iyo para hindi ka makapunta ka sa kapilya kasi lagi kang walang pamasahe. Hindi mo napapansin, ang buong panahon mo inagaw na ng pagsusumakit sa paghanap ng pera kaya wala ka ng panahon sa Dios.
Kaya marami po sa iglesia, hindi naman itinatatwa yung faith nila eh, hindi naman lumilipat ng ibang grupo o religion. Pero ang masakit, hindi mo makitang nagbibigay ng panahon para sa gawain na iniaatang sa kanila ng Dios. Sa lingguhang pagkakatipon lang makikita ninyo yan. Iba’t-ibang kadahilanan, nandiyan yung may pasok sa trabaho, nandiyan yung walang pamasahe, yung iba naman kasi birthday ng kaibigan, puyat sa party o video games o iba pang pinagkakahalumingan niya. Yung iba naman ang oras inuubos sa iba pang alalahanin sa buhay. Para itong mga dawag na nagiging dahilan kaya di nating magampanan kahit yung basic lang na gawain sa church.
Kaya minsan kahit na “matagal na tayo sa iglesia” hindi tayo makapamunga. Masyado tayong mahina pagdating sa hirap sa buhay. Minsan naman, hindi natin matangihan ang tawag ng laman o sobrang pasarap sa buhay. Ang tagal-tagal na natin sa iglesia, yung iba since birth pa, pero yung masamang gawain hindi natin maiwanan.
Ang masakit yung iba umuuwi na sa ganitong kasabihan: They are sometimes physically present but the truth is, they are spiritually dead.
Ano resulta, hindi magkaroon ng spiritual na bunga. Nasabi tuloy ni haring Solomon nung naging tukso Niya ang kayamanan. Sabi sa aklat ng kawikaan 30:8-9
“Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. 9 Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan.”
2. BATUHAN - since may konting lupa sa singit-singit o pagitan ng batuhan, so tumutubo naman yung binhi kaya lang hindi nagtatagal.
Bakit? Kasi walang uugatan, so kapag dumating yung init ng araw, natutuyo o namamatay They fall away under pressure (Mar. 4:5-6).
“May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. 6 Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat.”
Ano daw po ang ibig sabihin: (Mar. 4:16-17).
“Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. 17 Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko.”
Bakit daw po agad sumusuko? Kasi yung salita daw ng Diyos ay hindi tumitimo, hindi nagpepenetrate sa ilalim ng lupa yung ugat, hanggang doon lang sa ibabaw kaya mabilis malanta sa init ng araw.
Papaano yun? Eto po yung mabilis maniwala pero mabilis din makalimutan yung pinaniwalaan. Bakit? Kasi maaring yung motivation niya iba. Yung mababaw na nakikita lang sa church kaya nagpabautismo.
Maaring nahikayat lang ng magagandang pananalita o paliwanag ng missionary, o kaya naman masaya kasi yung samahan ng grupo o nato-touch kasi sa masiglang pag-aawitan during pagsamba, naiiyak pa nga sa ganda ng mga boses ng choir, ay parang nakakarinig ng boses ng mga anghel, huwag ka may napuntahan na akong lokal na napakaganda ng awitan nila. Nagtutulungan kasi yung magkakapatid kaya yung “brotherhood or sisterhood na tinatawag talagang kitang-kita mo sa church. Yung iba naman ang habol ay yung ganda ng services na ibinibigay ng iglesia kaya nag-mimiyembo, alam ninyo kung ano yung ganda ng serbisyo natin sa ibang grupo? Yung pagiging LIBRE hehe.
Sa madaling salita, ito yung mga taong naniwala at minsan umaabot pa sa pagmimiyembro sa iglesia pero ang pinag-ugatan ay iba. Sa batuhan, hindi sa matabang lupa. Umugat HINDI SA SALITA NG DIOS na ginagawang doktrina ng Iglesia kundi dahil dun sa “mababaw kadahilanan” kaya kapag dating ng init, o pressure namamatay.
Hindi tumitimo yung tunay na aral sa kanila kaya kapag nakarinig ng mas magandang magpaliwanag na tagapagturo kahit hindi biblical, dun naniniwala, sabi nga sa 1Tim. 4:1
“Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo.”
Eh bakit nga hindi malilinlang eh hindi naman talaga nauunawaan yung malalim na dahilan kung bakit siya nag-iglesia, malamang ni hindi alam nito yung kanyang doktrina. Hindi masyadong nag-ugat yung pananampalataya eh kasi nga iba yung dahilan kaya nagpabautismo.
Hindi dahil sa “pagkabuhay na mag-uli” na sinasabi ni apostol Pablo na kung wala nito ay walang kabuluhan ang ating pananampalataya, walang kabuluhan yung pag-iiglesia mo. Basahin natin yung 1Cor. 15:12-14
“Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay? 13Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 14At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, wala rin namang kabuluhan ang inyong pananampalataya.”
At upang mabigyan diin yan ni apostol Pablo kaya inulit pa niya uli sa talatang 16 hanggang 17
“Sapagka't kung hindi muling binubuhay ang mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo: 17At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan kayo'y nasa inyong mga kasalanan pa”
So yung pananampalataya ng nasa batuhan ay hindi nakaugat doon sa mundong ibibigay ni Kristo sa kanyang muling pagbabalik kaya malamang, ito yung iglesiang hindi naghihintay sa pagbabalik ng kanyang Panginoon eh kasi nga malamang ni hindi alam yung mangyayari sa hinaharap pagkatapos na siya ay mamatay, ni hindi alam na mabubuhay pala siyang muli. Mababaw lang ang dahilan kaya nag-iglesia katulad nung mga halimbawang binanngit ko kanina.
Kaya ito kapag nakarinig ng ibang aral na may magandang paliwanag ng ibang grupo, naku lilipat na agad. Noon pang araw, nangyayari na ito, sa history nga ng iglesia sa biblia, mismo sa kapatiran pa nanggagaling yung pag-iiba ng turo, tapos sasabihin sa kapatiran, paniniwalaan naman ng iba na mababaw ang ugat ng pananampalataya.
2Tim. 2:17-18
Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. 18 Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na.
Huwag sana tayong maging ganito, nakalungkot kasi sayang lang ang ating pinagpaguran kung sa bandang huli, tatalikod lang din tayo.
Heb. 10:38
“Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit kung siya'y tatalikod, hindi ko siya kalulugdan.”
3. KALSADA O DAAN - kung sa daan babagsak ang binhi eh talagang hindi makaabot sa stage ng pagtubo (germination period), lalo na sa panahon natin ngayon na karamihan sa kalsada sementado na. Saan kakapit ang ugat noon? Ang mangyayari ay either, madurog dahil masasagasaan ng sasakyan o mga dumadaan or kainin nga ng mga ibon.
Basahin natin ang talatang pinagkuhanan. Mat. 13:19
“ Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.”
Dito bumabagsak ang karamihan ng tao. Kasing tigas ng sementadong kalsada ang puso kaya ayaw umugat ng binhi, hindi makapasok ang salita ng Dios. Hindi po ang issue dito ay intellectual understanding kundi moral. Yung salita ng Dios kumokontra sa kanyang pamumuhay at imbes na ito ay tanggapin at magbago, sa sobrang tigas na ng puso, nagkakaroon na ng tengang nakarinig pero hindi nakauunawa (Mat 13:14.)
So yung binhing dumarating sa kanila, inaagaw o inaalis lang ng masama. Di na umaabot sa “germination stage” agad nawawala sa isip nila.
So ano ang dapat nating gawin? Maging tulad po sana tayo ng pang-apat na klase ng lupa, yung “MATABANG LUPA”.
Mat. 13:23
“Ang mga naihasik sa matabang lupa ay ang nakikinig ng salita at nauunawaan ito. Kaya naman, ito ay nagbubunga, ang ilan ay tig-iisangdaan, ang ilan ay tig-aanimnapu at ang ilan ay tig-tatatlumpu.”
PAPAANO BA ANG MAGING MATABANG LUPA?
COMMITTED ka dapat, sabi nga sa kawikaan 4:13 tungkol sa pagtanggap sa binhi o salita ng Dios na itinuturo ng iglesia.
“Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay.”
Sa 7:3 ang sabi
“Itali mo sa iyong mga daliri; ikintal mo sa iyong puso.”
So kapag ang isang tao ay ganyan kaseryoso sa pakikinig ay tutulungan siya ng Dios sa pag-unawa. 1Corinto 2:12
“Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin.”
So yun lang naman ang una nating kailangan na gawin, maging seryoso sa pakikinig.
Kaya lang papaano ka makakarinig kung hindi ka naman umaatend ng pagkakatipon, umaattend ka nga pero tulog ka naman, minsan nakatitig ka sa pastor pero tulala ka na at ang isip ay lumilipad na sa iba.
Yung iba ang schedule ng pagsamba once a month imbes na once a week. Sasabihin mo nag-oonline naman ako brod, ok pero isinasabay mo naman ang pagiging busy sa gawain sa bahay.
Sa tingin ninyo po ba ay may maiintidihan kayo sa ganitong pamamaraan?
Yung nakikinig ka na nga ng seryoso minsan hindi mo pa maintindihan kapag hindi ka humihingi ng “gift of understanding” na nagmumula sa Diyos eh di lalo na kung inaagaw ng iba ang isip mo.
So kailangan natin na maging matabang lupa bago natin tanggapin ang binhi, kasi hindi din ito tutubo kapag hindi natin isinaayos ang sarili natin.
Kailangan natin na maging seryoso, yung willingness na maunawaan ang salita ng Diyos dapat makita sa atin.
Siguro ang maipapayo ko ay simulan natin sa basic bago tayo maghanap ng malalaking bunga.
Individually, simulan mo muna sa regular na pananambahan bago ka maghanap ng malalaking bunga sa iyong sarili katulad ng pagiging instrumento sa kaligtasan ng iba o pagmimisyon.
Simulan mo muna sa pagbabasa ng biblia o pag-aaral ng mga aralin para sa mga manggagawa bago mo naisin ang mas malaking gawain na pagtuturo sa iba. Sarili muna natin ang turuan natin.
So unti-unti lang mga kapatid. afterall, ang pagtubo naman ng binhi ay nangangailangan din naman ng panahon bago mamunga.
Basic lang muna tayo, gawin nating regular ang pagdadasal araw-araw, samahan mo narin kahit isang himno, regular na pagbabasa ng biblia tutal daily meron naman na tayo niyan sa FB group, regular na pananambahan tuwing linggo. Kapag kaya na natin yan at nababago na ang ating pananaw sa buhay na dapat inuuna natin ang Diyos bago ang iba, saka tayo mag level-up.
Baka sa susunod kaya na natin makipag-participate sa pagmimisyon, kaya na natin makibahagi sa charity works ng church, kaya na natin sumama sa pagdalaw sa mga kapatid, at iba pang mga gawain na nangangailangan ng higit na sakripisyo. Ang importante mga kapatid ay magsimula tayong mamunga, konti sa umpisa hanggang umabot sa hitik ka na sa bunga.
So uulitin ko po, tingnan natin muli yung iba’t ibang klase ng lupa sa slide, huwag po tayong maging katulad ng lupa sa daan, ni hinding nakuhang mag-ugat, ibig sabihin ni hindi nauunawaan ang aral na napapakinggan, huwag tayong maging katulad ng batuhan na mababaw ang nagiging ugat, ibig sabihin yung mababaw lang yung dahilan kaya nag-iglesia, huwag din tayong maging katulad ng damuhan, nag-uugat nga ng tama pero mabilis mahikayat ng tatlong bagay 1) kayamanan 2) alalahanin sa buhay na ito at 3) pagkahumaling sa ibang bagay kaya nawawalan ng oras sa gawain para sa Dios, resulta, hindi namumunga.
Maging katulad nawa tayo ng matabang lupa, matapos madinig ang aral, itinatanim niya ito sa kanyang puso na nagdudulot ng patuloy na pagbabago ng pananaw kaya nagbabago din ang prayoridad sa buhay, from material to spiritual priorities kaya kapag ito ay sinimulan na niyang isabuhay, nagdudulot ito ng bungang hinahanap sa atin ng Dios.
At habang siya ay tumatanda ang kanyang bunga ay lalong dumadami. Sabi nga ni apostol Pablo sa 2Cor. 4:16
“Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw.”
Ito nawa ang pagsikapan nating gawin nga kapatid mula ngayon at magpakailanman. Siya nawa.