MAGSILAKAD KAYO SA PAG-IBIG

MAGSILAKAD KAYO SA PAG-IBIG

(Efeso 5:2)



Sept. 11, 2022

San Juan Quezon Isabela


Ti ayat ken talna ti ited ti Dios Nga Ama Tayo, kasta met ni Apo Jesu-Cristo ti umadda kadatayo ayaten Nga kakabsat.


Magsilakad kayo sa pag-ibig. Ito po ang bilin ni Apostol Pablo sa sulat niya sa Efeso kapitulo singko talatang dos.


Unang dapat siguro natin alamin ay kung ano yung definition ng pag-ibig na galing sa biblia kasi maraming definition ang pag-ibig kung bawat tao ay kukuhanan natin ng opinyon.


Sa mga bayani halimbawa, ang pag-ibig ay ang pag-aalay ng buhay para sa inang bayan. Sa mga magulang, ang pag-ibig ay pagsasakripisyo para sa mga anak. Kaya nga may kasabihan na isusubo mo nalang, ibibigay mo pa sa anak. Sa mga magkakaibigan, ipinakikita nila ang pag-ibig sa pamamagitan ng katagang ganito, “ang tunay na magkakaibigan, walang iwanan”. 


Sa umiibig, handang magsakripisyo para sa iniibig kahit hindi ito tinutugon ng kanyang minamahal kaya nga nauso yung salitang “martyr” sa mga love story. 

Sa mga mahilig sa babae, basta sila, lahat ng babae mahal nila, kaya nga daw “lover boy” ang tawag sa kanila. 


Sa mga driver, “basta driver, sweet lover”.


Sa ating mga kristiyano, bagamat mahalaga ang opinyon ng bawat isa pero kinakailangan na ito ay naayon sa katuruan ng biblia. Basahin po natin ang 1Cor. 13:4-7 para malinawan natin ang salitang pag-ibig.


“Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, 5 hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. 6 Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas.”


At sa talatang otso, makikita natin doon na ang pag-ibig kapag biblia any iyong tatanungin, ito ay walang hanganan o sa ingles  “everlasting”


“Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan.”


So kapag tayo ay naiingit sa tagumpay ng iba, wala sa atin ito. 

Kung tayo ay nagiging mayabang dahil tayo ay nagtagumpay lalo na kung minamata natin ang iba, wala sa atin ito. 


Ayaw natin mag-share ng blessings, materyal man o spiritual, wala sa atin ito.

Matanong ko lang po, papaano po ninyo naipagdadamot ang spiritual blessings na inyong tinanggap?


Na-imagine na po ba ninyo yung ulat ni apostol Juan sa Pahayag 21:10-14 at talatang 18-21? Tungkol sa bagong Jerusalem? Di ba parang golden city na hugis kuwadrado o square halos ang itsura. Labingdalawa ang pinto, tatlo sa bawat side, na gawa sa perlas at ang poste ay gawa sa iba’t ibang uri ng mamahaling bato, tapos yung kalsada gawa sa ginto at may guard pa na anghel sa bawat pinto. Tingnan po ninyo sa slide yung iba’t-ibang uri ng bato na gagamitin. 


Outer appearance palang po yan ah, wala pa tayo sa loob. Pagpunta mo diyan may kasama pang regalong buhay na walang hanggan.


Yan po ang isa sa pag-asa na makakamit ng iglesia sa hinaharap, iyan po ay inyo, libreng ibibigay sa Inyo ni Cristo. Eh kung libre naman pala eh bakit kaya hindi ninyo ialok sa iba? 

Gusto po ba ninyo sa inyo lang ito? 

Ayaw po ba ninyo na ibahagi ito sa iba lalo na sa kamag-anak ninyo? 


Baka naman masumpungan tayong “makasarili” o madamot ng ating Panginoon niyan kapag ganyan tayo.


Kaya napakaimportante mga kapatid yung nakikibahagi tayo sa pagpapalaganap ng ating paniniwala, kasi ito po yung destinasyon na pupuntahan natin at ang gusto ng Diyos lahat ng tao makapunta dito. Ang tangi lang na hinihingi niyang partisipasyon sa atin ay ituro sa iba kung papaano makakapunta diyan, ipakilala sa iba yung “DAAN” na papunta diyan na walang iba kundi ang ating Panginoong Jesucristo. The rest, Siya na ang bahala.


Pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa yung pagbabahagi ng kayamanan na nasumpungan natin sa Panginoon. Siguro naman hindi na tayo mapagsasabihan ng madamot kapag ginagawa na natin yan.


Sa mga mananampalataya ito ang kayamanan para sa kanila, pero doon sa mga hindi; ang kayamanan para sa kanila ay yung mga bagay na nasa sanlibutan, iyon ang iniibig nila, basahin po natin yung 1Jn 2:15


"15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama."


Hindi masamang mangarap ng masaganang buhay, sino ba naman ang hindi gusto ng masarap na pagkain; maliban na lang kung wala ka ng panlasa. Lahat malamang gusto may sariling bahay, napag-aaral ang anak sa maayos na iskwelahan, may pambayad sa ospital para hindi ka na pipila sa DSWD, sweepstakes o sa pulitiko na para ka pang nanlilimos, yung iba di ka na nga bibigyan, iismiran ka pa. 


Di ba mas masarap magbiyahe kapag meron kang sariling sasakyan kesa mamasahero. Masama ba yun? Ang gusto ba ng Diyos yung mukha kang laging kawawa at naghihirap?


Dapat nating linawin mga kapatid ang kaibahan ng pangangailangan (needs) sa kalayawan (luxury).


Hindi po masamang magtrabaho para sa ating mga pangangailangan dito sa lupa, katunayan galit ang Diyos sa tamad. (Kaw. 6:6). Sabi nga ni apostol Pablo, kung gusto mong kumain, magtabaho ka (2Tes. 3:10).


Ang masama po ay ang inuuna natin ay yung pangangailangan sa lupa bago ang gawain para sa Diyos, maliwanag naman yung assurance na ibinigay Niya sa atin sa Mat. 6:25-33, unahin muna nating hanapin yung kanyang kaharian at lahat ng pangangailangan mo dito sa lupa ay ibibigay niya sa iyo. 


Ang problema, sumasang-ayon tayo sa talatang ito, pero hindi tayo nanampalataya na ito ang mangyayari kapag inuna natin ang Diyos. Kaya hanggang ngayon, kung may tawag na trabaho sa linggo, ayun, doon ang punta natin kaysa dito sa kapilya para umawit, manalangin at magpuri sa Diyos. Sa madaling salita, wala tayong masyadong bilib. Sayang ang kita, pwede naman sa susunod na linggo nalang ako magsisimba.


Di ba sa ganyang pagdedesisyon palang naipapakita mo na agad na mas iniibig mo ang sarili mo kaysa sa Diyos (2Tim. 3:2).


Eto pa isang problema, sangdamakmak na ibinigay sa iyong kayamanan sa lupa, parang may hepa ka na nga dahil sa gintong nakapaikot sa iyong katawan, di parin kuntento dito, di ka parin nasisiyahan kaya di ka parin tumitigil sa pag-iimpok ng kayamanan. Tapos kapag may hihingi ng tulong sa iyo sasabihin mo baon ka sa utang eh samantalang ipinangkakain mo lang naman ng steak yung kailangan ng kapwa mo, (hindi ko sinasabing masamang kumain ng steaks ah, kasarap kaaya nun). Baka nga pampa-gas mo nga lang iyon sa mamahalin mong kotse eh.

Huwag tayong maging malayaw lalo na kung ang kasama natin sa simbahan ay naghihikahos sa buhay. Lagi natin iconsider ang nararamdaman nila. Unahin muna nating silang tugunan, then saka mo bigyan ng kasiyahan ang iyong sarili, pwede naman ito, bakit naman hindi. Sabi nga sa Mangangaral 5:19


"Bawa't tao rin naman na binigyan ng Dios ng mga kayamanan at mga pag-aari, at binigyan ng kapangyarihan na kumain niyaon, at kumuha ng kaniyang bahagi, at magalak sa kaniyang gawa, ito'y kaloob ng Dios."


Kaya yung maging masaya tayo dulot ng ating mga tinatangkilik ay hindi masama, ito ay kaloob ng Diyos at malamang nagiging masaya din Siya kapag nakikita Niyang masaya tayo sa mga ibinibigay Niya sa atin. Ang medyo mali lang ay yung gumagastos ka ng daang libo o milyon sa debut, bumabaha ang handa at alak tuwing birthday mo, Panay ang gastos mo sa pamamasyal, nangingibang-bansa ka pa nga eh, pero kapag dating sa gastusin para sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos, wala kang mabunot, kapag itutulong sa nasa ospital na kapatid, kapag abuluyan na sa linggo. Doon mo ginagagamit ang kakuriputan mo. 


Ilagay mo sa ayos kapatid, kung masagana ka sa sarili mong pamumuhay, isipin mo lagi na kaloob ito ng Diyos, at makatwiran naman siguro na maging galante ka rin kapag tungkol sa mga gawain para sa Kanya.


Bakit di mo kaya simulan ito ngayon. Subukin mo Siya, nang makikita mo kung gaano kakapangyarihan ang Diyos at kaya niyang papagbaguhin ang buhay mo at tungkol diyan, dalawang kaming manggagawa na naririto na makakapagpatunay sa inyo.


At tungkol sa pag-ibig, nagpakita ng magandang halimbawa ang Amang Diyos kung papaano ang umibig. Ibinigay niyang sakripisyo ang kanyang nag-iisang Anak para sa ating kaligtasan.


Jn. 3:16.

"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan."


 Gayon din ang Cristo, pumayag na mamatay para sa atin. 


Efeso 5:2

"Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos."


Ngayon ang tanong, papaano natin maipapakita ang ating pag-ibig? Sabi sa Mar. 12:30-31:


"Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ 31 Ito naman ang pangalawa, Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.”


Sabi ko nga lagi ang pag-ibig is both “noun” and “verb”. Madali ito sa “noun” pero mahirap sa “verb”


Sa unang utos na ibigin mo ang Diyos eh napakadaling sabihin na iniibig ko ang Diyos, wala namang Kristiyanong sasagot sa  iyo na hindi niya iniibig ang Diyos eh, ang tanong, totoo ba yung sinasabi mo? Makikita yan sa iyong mga kilos. Kung sinusunod mo yung mga utos Niya, Iniibig mo nga siya sapagkat ito yung katunayan na hinahanap Niya.


1Juan 5:3

"Sapagka't ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos: at ang kaniyang mga utos ay hindi mabibigat."


Doon sa pangalawang utos na Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.


Diyan malaki ang problema natin. Kadalasanan biktima rin ako nito. Madaling ibigin yung kaibig-ibig na tao, pero yung mga nakakabwisit at yung mga nakakainis, naku, napakahirap ibigin.


Papaano ang gagawin mo kapag meron kang kinaiinisan na tao? Yung inuutangan ka halimbawa tapos di ka naman binabayaran, yung lagi kang itsinistsismis sa iba, problema, lagi mo pang nakakatabi sa kapilya? Sakripisyo di ba?


Dito napakahalaga ng ipinakitang pamumuhay ni Kristo sa lupa. Nakita natin kung papaano siya inalimura, hinamak, sinaktan ng mga kababayan, iniwan ng mga kaibigan o ng mga alagad niya pero ipinakita niya ang isa sa napakahirap i-practice na katangian dapat ng Kristiyano “TOLERANCE” 


Hindi siya gumanti ng masama sa masama bagkus ang wika niya nung nakabayubay na siya sa krus “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila alam yung kanilang ginagawa.”


Pagpilitan natin gayahin ito sapagkat dito nakasalalay ang ating kapatawaran. “Kung hindi tayo marunong magpatawad sa iba, papaano tayo patatawarin? Mar. 11:26


Dito nakasalalay ang kaibahan natin sa hindi mananampalataya. Hindi tayo dapat gumanti sa masamang tao bagamat ayaw natin ng masamang gawa.


1Ped. 3:9

"Na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama, o ng alipusta ang pagalipusta; kundi ng pagpapala; sapagka't dahil dito kayo'y tinawag, upang kayo'y mangagmana ng pagpapala."


Bagkus gantihan natin ng mabuti ang masama. Luk.6:35


Isang palatandaan ito ng pagiging tunay na Kristiyano, yung mahaba na ang tolerance mo at nagagawa mo pang gantihan ng mabuti kapag ginawan ka ng masama. At sabi ko nga napakahirap gawin nito pero walang imposible sa Diyos. Sa kanya lahat may pangyayari gaya ng sabi sa Luc. 18:27.


Kaakibat ng pag-ibig sa kapwa, may idinagdag pa si Kristo, yung nakasulat sa Juan 13:34-35


"Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa. 35Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa."


Kahulihulihan mga kapatid, makita sana sa atin yung nakasulat sa Roma 8:35-39.


"Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon sa nasusulat,

Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”

37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon."

Sana maging ganito tayo sa pakikipagrelasyon sa Diyos at kay Cristo. Kung umibig, pagkit (beewax). Matamis pero madikit.

Muli, ang pag-ibig na nagmumula sa ating Diyos ang sumagana nawa sa ating pagsasamahan bilang magkakapatid.

Marami pong salamat.