MALAPAD AT MAKITID NA DAAN
MALAPAD AT MAKITID NA DAAN
(Mat. 7:13-14)
JULY 31, 2022
Dadap, Luna
Kapayapaan mula sa Diyos at mula sa Panginoong Jesus ang sumainyo mga kapatid.
Ang pamagat ng teksto na ating pag-aaralan sa umagang ito ay “Malapad at Makitid na Daan.” Hango sa aklat ng Mateo kapitulo 7 talatang 13 hanggang 14.
Kapag tayo ay may pupuntahan, normally ang pipiliin natin ay yung malapad na daan kaysa doon sa makipot. Katulad ng ginawa naming biyahe ngayon ni kptd. Na Espie, ang luwag ng kalsadang dinaanan namin dito sa national highway, ang resulta; mabilis at konbinyenteng paglalakabay. Pero kung ang daang ito ay yung katulad pa noong 1980’s, single lane at maaring hindi pa sementado, eh sigurado mas mabagal at mas mahirap na biyahe ang aabutin.
Ganoon din sa paglalakbay na gagawin ng tao sa buhay na ito patungo sa ikalawang buhay. Mas marami ang pumipili na dumaan doon sa maluwag kaysa doon sa makipot na daan, eh mas madali nga naman kasi kapag doon sa maluwag.
Alam ninyo po ba yung larong langit, lupa, impiyerno? May pagkakahawig kasi ito sa sitwasyon natin sa ngayon. Sa kasalukuyan, nasa lupa tayo pero kapag namatay tayo dalawa nag destinasyon na pwede nating puntahan, either langit o kaya naman, impeyerno. Kapag binasa natin ang Mateo 7:13-14, ganito ang sinasabi:
“Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.”
Kaya nga sa buhay na ito, mas marami ang masasama kaysa mabubuti. Mas madali kasing mabuhay ng matiwasay na walang sinusunod na batas ng Diyos kaysa meron. Sa pagkita nalang ng pera, mas madaling magkapera kung marunong kang mang-scam, marunong kang mangdenggoy, o manloko ng kapwa mo. Mas malaki ang kita kung marunong kang mandaya ng timbangan. Di ba laging problema ito sa palengke. Instant cash kapag marunong kang magnakaw, mayaman ka agad kapag nakalusot ka sa panghoholdap ng banko o kidnaping or carnapping. Pero kapag may sinusunod kang Diyos, kailangan lahat patas, di ka dapat nanglalamang ng kapwa. Dapat laging totoo ang sinasabi mo. Kaya nga mas pinipili ng tao yung madali at mabilis na paraan kaysa doon sa mahirap at makipot na paraan ng Diyos.
Sa aklat ng Juan 14, talatang 6, ang daan papunta sa Diyos na magbibigay ng buhay na walang hanggan ay si Cristo:
“Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”
Siya yung daan na dapat nating lakaran, Siya yung makipot na pintuan na dapat nating pasukan. Papaano natin gagawin yun?
Papaano tayo susunod sa kanya kung hindi natin siya nakikilala gaya ng sinasabi sa aklat ng Roma 3:17. Malamang itakwil lang din natin siya katulad ng ginawa ng mga Istraelita na mga kababayan niya katulad ng nakasulat sa Jn. 1:10-11, or worst, baka kasama pa tayong nagpapapako sa kanya kung nabuhay tayo nung panahon niya (1Cor. 2:8).
Kaya napakaimportante na ginagawa natin yung nakasulat sa aklat ng Mateo 11:29
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka't ako'y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”
Mag-aral tayo sa kaniya katulad ng ginagawa natin ngayon, makikilala lang natin siya sa pamamagitan ng pag-aaral ng sulat na nagbabalita at nagpapakilala sa Kanya, walang iba kundi itong biblia.
Ang ganda nga ngayon, may apps na, kung nasaan ang cellphone mo, kasamasama na ang biblia, di katulad noong araw, makapal na libro lagi ang dala mo.
Sa patuloy na pag-aaral sa mga turo ni Kristo, unti-unti tayong nalalayo sa malapad na daan, unti-unti tayong napupunta sa makipot na daan.
Mahirap kasi na magpatuloy sa paglalakbay sa buhay na ito na manatili tayo sa maluwag na daan, Yung laging puro materyal lang ang iniisip natin, yung satisfaction ng human desire ang laging gusto natin. Yung laging bagong model ang cellphone at kompleto sa load na pag isang buwan, pero Yung P10 na minimum load per day di maipon pang isang linggo para sa gawaing pagbibigay ng offering. Yung mabilis bumunot, daig pa si Fernado kung pambili ng alak o pangtaya sa huweteng ang gagawin, pero kapag ambagan na para sa gawain ng iglesia, nakow, tsani. Sa party, sayawan hanggang umaga kaya, pero sa pagkakatipon pagsamba, di ka magising ng maaga at inaantok ka pa. Yung proud ka pa na may tsiks ka kahit na may asawa ka na kasi feeling mo macho ka. Sabi nga sa Fil. 3:19
“Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito.”
Huwag sana tayong manatiling ganito kung nandito pa tayo sa ganitong kalagayan.
Huwag nating isipin na tagalabas lang ng iglesia ang gumagawa nito at ulit iglesia na tayo ay di na tayo mahuhulog sa ganitong mga tukso. Sabi nga ni Apostol Pablo sa ikalawa niyang sulat sa iglesia ng Diyos na nasa Corinto, kapitulo 12, talatang 20-21
“Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.”
Merong mga iglesia na pero patuloy na lumalakad sa maluwag na daan, hindi parin matalikuran ang mga dating gawain sa buhay. Kaya nga totoo yung sinasabi sa aklat ng Roma 9:27.
“… kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas.”
So kung tayo ay patuloy na naglalakbay sa lupang ito na dumadaan sa maluwag na kalsada, patuloy na namumuhay sa hilig laman at patungo sa pagkapahamak o impeyerno, panahon na para tayo ay lumiko at dumaan sa makipot na kalsada, mamuhay na sumusunod sa utos ng Diyos, mamuhay bilang isang tunay na kristiyano, ng sa ganoon ay mapabilang tayo doon sa munting kawan o babassit nga karnero na binabanggit sa Lukas 12:32 na siyang papasok sa kaharian ng Diyos o langit.
Napakasarap marinig ang pangungusap ni Kristo sa atin kapag nakatapos na tayo ng paglalakbay dito sa lupa ang mga kataga sa Mat. 25:34.
‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig.
Ito nawa mga kapatid ang higit natin pagsumikapang makamit kaysa ang mga bagay dito sa lupa. Kapayapaan ni Kristo ang sumainyo.