MGA ARALIN PARA SA MINISTRO NG DIOS


MGA ARALIN PARA SA MINISTRO NG DIOS


Ang isang tunay na pastor ay hindi siyang HUMIRANG kundi HINIRANG, para sa ministerio.


Dito nakasalalay ang malaking pagkakaiba ng isang pastor at ng isang propesiyonal. Pinili ng isang doktor ang siya ay maging isang manggagamot. Pinili ng isang manananggol ang siya ay mapabilang sa bar. Ngunit ang isang tunay na pastor ay hindi naging pastor sa pamamagitan ng HILIG, kundi sa pamamagitan ng BANAL NA PAGTAWAG.


Ang kakayahan para sa gawaing pastoral ay isang kaloob mula sa Diyos (pag aralan Efe. 4:11),


“At pinagkalooban niya ang mga iba na maging mga apostol; at ang mga iba'y propeta; at ang mga iba'y evangelista; at ang mga iba'y pastor at mga guro;”


At siya na nakadarama ng pagtawag ng Diyos sa ministering ito ay nararapat na tiyakin na pumasok siya dito na taglay hindi lamang ang kasangkapang naibibigay ng pormal na pagsasanay, kundi ng TANGI AT BANAL NA KASANGKAPANG galing sa Diyos.


Pinakamataas sa mga talaan na ipinamamahagi ng Diyos sa pagbibigay ng mga kaloob ay ang DALISAY NA PAG-IBIG SA MGA TAO. Hindi lamang pag-ibig para sa lahat, kasama kahit man ang mga hindi gumagamit ng pag-ibig.


Sa biglang tingin ay maipapalagay na ang ibigin ang mga tao ng Diyos ay walang gaanong problema. Hindi magtatagal mauunawaan ng isang bagong pastor na ang ilan sa mga di-karaniwan at mahirap ibiging mga tao ay matatagpuan niya sa kongregasyon. Ang pag-ibig sa mga ito ay isang kaloob mula sa Diyos at kung wala ang kaloob na ito, hindi magtatagal ang pastor ay makikilala na isang HUWAD.


Ang tunay na pastor, samakatuwid ay isang tao ng PAG-IBIG. Siya ay isang lalake na taos-pusong umiibig sa tao sa pangkalahatan, at sa mga tao ng Diyos sa partikular. Ang PAG-IBIG SA KAPATID ay ang tatak ng tunay na Cristianismo, at ang pastor ay dapat na palaging natatatakan nito.


Itinulad ng mga Banal na Kasulatan ang pastor sa isang pastol (shepherd). Ito ay hindi lamang tumpak “etymologically” (the word pastor means shepherd), kundi tamang-tama sa katotohanan, 

(Basahin ang 1 Pedro 5:2-4).


“Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip;  Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan.  At pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian.”


Ang ating Panginoong Jesus ay tumukoy ng maraming mga katangian ng isang mabuting pastor sa Juan 10:11-16.


“Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa.  Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa.  Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa. At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.”


Sinabi niya na ang mabuting pastor ay may malasakit sa mga tupa. Ang pastor na pinagkalooban ng maka-Diyos na pag-ibig para sa kanyang bayan ay pinatutunayan sa pagmamalasakit sa kanila.


Ang pagkasira ng pananim ng isang magsasaka, ang etika (ethics) ng isang negosyante, ang pagsisikap ng isang ina para sa kanyang pamilya, ang pangarap ng isang bata sa kinabukasan: lahat ng ito ay ipinagmamalasakit ng pastor. Siya ay nakikigalak sa mga nagagalak, at nagdaramdam na kasama ng mga may dalamhati. Siya ay makikita sa hanay ng mga nakikipaglibing habang ang bangkay ng isang mahal sa buhay ay inihahatid sa libingan. Siya ay nandoon sa hapag-kainan ng isang masayang kasalan tanda ng simula ng panghabang-panahong pagsasama ng dalawang kabataang kristiyano mula sa mga miyembro. Siya ay kabilang sa mga tagapakinig na sumasaksi sa isang pagtatapos sa paaralan. At siya ang isa sa mga unang nasa ospital kapag ang isang miyembro ng kawan ay dinapuan ng sakit o ng kapahamakan. PAGMAMALASAKIT, tunay at mabuting-loob, ang tatak ng taong may pusong pastor.


Sinabi rin ng Panginoong Jesus na ibinibigay ng mabuting pastor ang kanyang buhay dahil sa mga tupa. Totoo, na ang tinutukoy niya ang kanyang sarili, nguni’t nangangailangan din kung hinihingi ng pagkakataon na ang mga nasa ilalim niyang mga pastor ay sumunod sa kanyang yapak.


Ang iba pang katangian ng isang tunay na pastor ay ang TIBAY NG LOOB AT PAGTITIYAGA. Hindi siya tumatakas kapag dumarating ang lobo. Ito ang pagkakaiba ng upahan at ng tunay na pastor. Ang upahan ay tumatakbo kapag nakita ang dumarating na lobo, iniiwan ang tupa. Ang motibo ng upahan ay hindi malasakit kundi SALAPI, hindi pag-ibig, kundi IKABUBUHAY.

Hayaang ang suweldo ay sapat sa kanyang mga pangangailangan at mga pithaya, siya ay masayang naglilingkod. Hayaang ang mga tao ay nagsasabi ng mabuting ukol sa kaniya, ito ay pamahalaan ng may katapatan. Hayaang ang kaayusan ay naghahari sa loob ng iglesia at siya ay may kagalakang nangangasiwa. Nguni’t ang lobo ng kasawiang-palad ay naglilingkod para ipakita ang tunay na layunin ng upahang pastor. Gaano kadalas na iniwan ng mga pastor ang kanilang kawan kapag ang kabang-yaman ay kinulang at kapag ang mga suliranin ay dumarami. Ang ganitong mga tao ay mga UPAHAN na nauudyukan ng ibang bagay, at hindi ng PAG-IBIG NA MAY SAKRIPISYO.


Ang iba pang tatak ng isang mabuting pastor, sang-ayon sa ating Panginoong Jesucristo ay ang SIGASIG SA PANGANGARAL: Siya ay may malasakit sa “ibang tupa.” Maaring ligtas ang siyamnapu’t-siyam, nguni’t ang mabuting pastor ay hindi makapagpapahinga habang ang isa ay nasa labas at wala pa.


Samakatuwid ang isang mabuting pastor ay hindi matahimik habang nakikita niya ang isang tao ng Diyos na wala pa sa kulungan. Kahit man malaki na ang bilang ng kanyang kongregasiyon, o kahit limitado ang pananalapi, o kahit okupado ang kanyang oras, siya ay patuloy na naghahanap sa isa pang tupa. Ang tunay na pastor ay isang EBANGHELISTA na nagpapahayag ng mensahe ng pagkakasundo sa Diyos.


PAGMAMALASAKIT, HINDI MAKASARILI, MATATAG, SIGASIG SA PANGANGARAL: Ito ang mga katangian ng mabuting pastor. Nguni’t ang lahat ng ito ay nanggaling doon sa krus sa isang burol doon sa ISA na namatay dahil iniibig Niya ang bawa’t isa sa atin.


Maaaring sa husay sa pagsasalita ay wala kang kapantay, maaaring handa kang gumawa ng anomang sakripisyo na hinihingi sa iyo, maaaring mayroon kang pananampalataya, sapat upang makapagpalipat ng mga bundok, datapuwa’t kung kulang ka ng pag-ibig ang iyong kagalingan sa pagtatalumpati ay tulad ng batingaw na umaalingawngaw at ang iyong ministerio ay walang pakinabang.


TANDAAN:

Ang Pastor na pumasok sa ministerio na may ibang dahilan liban sa tinawag siya ng Diyos sa ministerio at itinanim sa kanya ang isang pag-ibig para sa mga kaluluwa ng mga tao, ay pumasok sa ministerio ng walang kabuluhan.


Inihanda ni:


AURELIO L. MANGULABNAN

Late Elder – District I

Santiago, Isabela


Click here if you want to -----> go back to page CHRISTIAN CHARACTER BUILDING