NAKIKILALA MO BA KUNG SINO KA?

 

Marso 1993

Mahal na kaibigan,

    Nakikilala mo ba kung sino ka? Maaring sabihin mo, "Ano bang klaseng tanong ito?" Ngunit sa katotohanan, ang bawat tao'y nararapat tanungin ang kanyang sarili kung sino nga ba siyang talaga. Sapagkat ang taong hindi nakikilala ang kanyang sarili kung sino nga ba siyang talaga ay walang direksyon sa buhay, hindi niya nalalaman kung saan siya nagmula at kung saan ang kanyang patutunguhan. Hindi mo man hinihingi ay nais kong ibahagi ko ang aking nalalaman tungkol dito.

    Itinanong ko na rin minsan kung sino ba talaga ako. Sapagkat ayaw kong para akong pumapana sa dilim, na walang tiyak na patutunguhan. Ang katuguna'y nakita ko sa Biblia. Iisa pala ang pinagmulan lahat ng tao. Samakatuwid, ako at ikaw ay nagbuhat sa Dios. Ang sabi ng Biblia, "at nilalang ng Dios ang tao, ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae" (Gen. 1:27). Sila na unang nilalang ng Dios ang pinagmulan ng lahat ng mga tao hanggang sa mga huling henerasyon ngayon.

    Bakit nilalang ng Dios ang tao ng ayon pa sa kanyang larawan? Hindi nilalang ng Dios ang tao na gaya ng mga damo at halaman na para sa mga hayop; at ang mga hayop, kasama ng iba  pang nilalang na may buhay na pawang para sa mga tao. Sa pakay ng napakataas na antas na uri ng pagkalalang ng Dios sa tao ay hindi para sa kapakinabangan ng ibang nilalang. Kung ang lahat ng mga bagay, may buhay man at wala, ay nilalang para sa tao., ang tao naman ay nilalang para sa Dios lamang. Ang tao'y nilalang para sumamba, magsiyukod at magsipaglingkod sa Maylalang sa kanya. (Awit 95:6)

    Ang sabi pa ng kasulatan, "Ito ang wakas ng bagay, lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao." (Ecle. 12:13) Dito'y nakikilala mo na kung sino ka. May gampanin ka pala sa Maylalang sa iyo tulad ko rin. Tungkulin natin na sundin ang kanyang mga utos. Ano ang kabuluhan ng pagsunod mo sa kanya? Malaki at dakila, "sapagkat dadalhin ng Dios ang bawat gawa sa kahatulan, pati ng bawat kubling bagay, maging mabuti o maging ito'y masama" (Ecle. 12:14). Ang sabi ng Panginoon Jesus, "Sa nagsisigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay na mag-uli sa buhay." (Jn. 5:29) At kung ang iyong mga gawa ay masama, bubuhayin ka ring mag-uli ngunit para hatulan. At ang hatol ay, "Ang sinomang hindi nasumpungan sa aklat ng buhay ay ibubulid sa dagat-dagatang apoy." (Apoc. 20:15)

    Mahal na kaibigan, mahalaga pala na makilala ng isang tao kung sino siyang talaga. May kawing pala ang ating pagiging tao sa Dios na lumalang sa atin. Gayundin sa kanyang Anak na si Cristo Jesus. Bahagi ng ating pag-iral ang natatanaw na kalikasan. Sumulat lamang sa alinmang address na nasa likod ng Liham Pagliligtas na ito, at malugod kang paglilingkuran.


                                                                     Ang iyong lingkod sa Panginoong Jesus,

                                                                                                  Ka Victor


Click here if you want to -----> go back to page ANG LIHAM PAGLILIGTAS