PAGTATATAG NG UGALING CRISTIANO



PAGTATATAG NG UGALING CRISTIANO


ANG KAHALAGAHAN NG MABUTING UGALI:


Sang-ayon sa isang aklat na may pamagat na, "The Greatest Salesman In The World' na isinulat ni Og Mandino ay sinasabi ang ganito:

Ang tanging pagkakaiba lamang sa pagitan ng mga nangabigo at ng mga nangagtagumpay ay matatagpuan sa pagkakaiba ng kanilang ugali. Ang mabubuting ugali ay SUSI sa lahat ng tagumpay. Ang masamang ugali ay ang HINDI MASUSUSIANG pinto tungo sa kabiguan.


Sa buhay na ito ang bawa't Cristiano ay nasa panahon ng pakikipagbaka, nguni't ang ating pakikipagbaka ay hindi sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga pamamahala ng kadilimang ito sa sanlibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan (Efe. 6:12)


Sa pakikipaglabang ito ay hindi natin dapat biguin ang Diyos! Kailangang matupad ang layunin ng paglikha Niya sa atin sapagka't nasusulat, "Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis..." (Gen. 1:26).


Sa pakikipaglabang ito ay kailangan nating magtagumpay! Kailangang daigin ng mabuti ang masama (Roma 12:21). Ito'y magaganap lamang kung alam natin at gagawin ang susi sa lahat ng pagtatagumpay: ANG PAGWASAK sa masasama nating ugali sa PAGTUTUDLING ng panibago para sa mabubuting binhi.



TUMANGGI SA SARILI


Ang nagtatag ng relihiyong Zoroastiarismo ay nagsabi, "Malakas siya na nalulupig ang kaniyang sarili." Ito ay totoo sapagka't, una ang Diablo, at ikalawa ang mga sangkap ng ating sarili mismo, ang pinakamalakas nating kalaban na nagsisilbing hadlang sa pagsunod natin kay Jesus.


Maraming naghangad ng kaligtasan subali't nang dahil sa hindi maitanggi ang sarili ay nangabigong lahat. Tayo ay hindi dapat matulad sa kanila. Tayo'y kailangang MAGTAGUMPAY!


Huwag tayong matakot, at lalong hindi tayo dapat mag-alinlangan      sapagka't sa katunayan ay hindi tayo ang unang gagawa nito. Ginawa ito ng mga apostol at ng mga unang Cristiano, at sila'y NAGTAGUMPAY dahil sa sinunod nila ang utos ng Panginoon na, "Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin ay TUMANGGI SA KANIYANG SARILI, at pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin." (Mar. 8:34 Ang diin sa lahat ng mga ginamit na talata ay sa sumulat nito).



PATAYIN ANG MGA SANGKAP NG KATAWANG NASA IBABAW NG LUPA:


Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipag-alit sa Diyos (Roma 8:7) at ang kautusan ng kasalanan na nasa ating mga sangkap ay nakikipagbaka sa kautusan ng Dios na nasa ating pag-iisip (Roma 7:23).


Samakatuwid, maliban nang ito ay mamatay ay may kahirapang tayo magtagumpay. Ito ay natutulad sa mga pangsirang damo, at mga dawag na umiinis sa mabuting binhi. (Luc. 8:14)


Kaya't sinabi ni Apostol Pablo, "PATAYIN nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya'y pagsamba sa mga diosdiosan. (Col. 3:5)



LAYUAN ANG LAHAT NG MGA ITO:


1. Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig. (Col. 3:8)


2. Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit at kadaldalan, at panglilibak... pati ng lahat ng masamang akala. (Efe. 4:31)


3. ... mga mangmang na pananalita, o ang mga pagbibiro na di nangararapat. (Efe. 5:4)


4. ... huwag mag-isip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kaysa nararapat niyang isipin. (Roma 12:3)


5. ... huwag ninyong ilagak ang inyong pag-iisip sa mga bagay na kapalaluan... huwag kayong mga pantas sa inyong sariling haka.

(Roma 12:16)


6. Huwag kayong magbayad sa kanino man ng masama sa masama. (Roma 12:17)


7. Huwag kayong mangaghigantihan (Roma 12:19)


8. Mga kapatid, huwag kayong mangagpakabata sa pag-iisip; gayon ma'y sa kahalayan ay magpakasanggol kayo... (1 Cor. 14:20)


9. Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangagkasala huwag lumubog ang araw sa inyong galit (Efe. 4:26)

10. At huwag kayong magsipaglasing ng alak na kinaroroonan ng kaguluhan. (Efe. 5:18)


     11. Ilagan mo ang mga usapang walang kabuluhan; sapagka't sila'y lalong magpapatuloy sa kasamaan. (2 Tim, 2:16, 23)


12. Datapuwa't layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan

(2 Tim. 2:22)


13. Na huwag magsalita ng masama tungkol kanino man. (Tito 3:2)


14. May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon. Oo pito na mga kasuklam-suklam sa kaniya:

     "Mga palalong mata, sinungaling na dila, puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng mga kapatid.' (Kaw. 6:16-19)


15. Layuan ang mga gawa ng laman:

     "samakatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan at ang mga katulad nito... na ang mga nangagsisigawa ng gayong bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios." (Gal. 5:19-21)



MAG - UGALING CRISTIANO:


Kung kayo'y mapintasan dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagka't ang Espiritu ng Kaluwalhatian at ng Espiritu ng Dios ay nagpapahingalay sa inyo.


Nguni't huwag magbata ang sinoman sa inyo na gaya ng mamamatay-tao, o magnanakaw, o manggagawa ng masama, o gaya ng mapakialam sa mga bagay ng iba:


     Nguni't kung ang isang tao'y magbata gaya ng Cristiano ay huwag mahiya: kundi luwalhatiin ang Dios sa pangalang ito. (1 Ped. 4:14-16)


Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang Iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan. (1 Tim. 3:15)


Kayo ang asin ng lupa: nguni't kung ang asin ay tumabang ay ano ang ipagpapaalat? Wala nang ano pa mang kabuluhan, kundi upang itapon sa labas at yurakan ng tao.


Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.


Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lagayan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.


Lumiwanag ng gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa. at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit. (Mat. 5:13-16)


     Ang bawa't tagasunod ng Cristo ay mayroong dapat na ugaliin sa loob at labas ng bahay ng Dios.



ANG KAHULUGAN NG UGALI (CHARACTER):


Sang-ayon sa diksiyunario, ang ugali o "character" is a distinctive trait, one's personality, moral strength, reputation, status, position. Ang character ay hindi nalilikha sa isang kisap-mata. Ito ay nangangailangan ng panahon, sapagka't ito ay napapaunlad (develop) ng unti-unti, sa pamamagitan ng edukasiyon at pagsasanay (practice).


Ito ang kaibhan ng "character" sa instinto, sapagka't ang instinct is an inborn tendency to behave in a way characteristic of a species. Ang instinto ay kusa, na hindi na kailangan pang pag-aralan at sanayin.



KAYO'Y MANGAGBAGO NG INYONG PAG-IISIP:


Upang magkaroon ng ugaling Cristiano ay dapat na mabago ang espiritu ng ating pag-iisip (Efe. 4:23).


Kailangan natin na magkaroon ng pag-iisip na nasa kay Cristo-Jesus din naman (Fil. 2:15). Tulad ni Pablo (1 Cor. 2:16). Tularan natin sila

(1 Cor. 11:1).


Kailangan natin na matutuhan ang mag-isip at kumilos na tulad ng Dios. Nangangahulugan ito na matutong umibig, sa halip na mapoot. Nangangahulugan ito ng kababaan, sa halip na kataasan, at pagmamalaki; pananampalataya at pag-asa. Ang takot sa Dios, sa halip na kawalang muwang (ignorance) sa Dios; Pagnanais na maglingkod, sa halip na laging nais na paglingkuran, katapatan at pagiging makatotohanan, sa halip na pandaraya, pagkukunwari, at kasinungalingan; Walang kinikilingan sa halip na mapagtangi ng mga tao. Kasipagan, at hindi katamaran.



TAGLAYIN ANG LAHAT NG MGA ITO:


1.   Mangagbihis kayo ng boong kagayakan ng Dios (Efe. 6:11,13).

a)   Ang inyong baywang ay may bigkis na katotohanan na may sakbat na baluti ng katuwiran (Efe. 6:14).


b)   Ang inyong mga paa ay may pangyapak na paghahanda ng evanghelio ng kapayapaan (Efe. 6:15)


c)   Ang kalasag ng pananampalataya (Efe. 6:16).


d)   Turbante ng kaligtasan, at ng tabak ng espiritu, na siyang salita ng Dios (Efe. 6:17).


2.   Magsilakad kayo na may karunungan sa labas (Col. 4:5)


3.   Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na magkalasang asin (Col. 4:6)


4.   Pag-aralan ninyong maging matahimik, at gawin ang inyong sariling gawain (1 Tes. 4:11)


5.   Kayo'y magsilakad ng nararapat sa nangasa labas at huwag kayong maging mapagkailangan (1 Tes. 4:12)


6.   Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya (2 Tim. 2:15).


7.   Magkaroon ng timtimang ugali (1 Ped. 2:12).


8.   Mangagpakatalino (Mat. 10:16).


9.   Magmaliksi sa pakikinig (Sant. 1:19).




MANGAG-IBIGAN SA ISA'T ISA:


Minsan ay tinanong ng isang tagapagtanggol ng kautusan ang ating Panginoong Jesucristo, upang siya'y tuksuhin:

"Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?

At sinabi sa kanya. Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng boong puso mo, at ng boong kaluluwa mo, at ng boong pag-iisip mo.

Ito ang dakila at pangunang utos.

At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

Sa dalawang utos na ito'y nauuwi ang boong kautusan at ang mga propeta." (Mat. 22:36-40)


Sa mga pangungusap na ito ng Panginoong Jesucristo ay mapanpansin natin na napakahalaga ng pag-ibig. Ayon kay apostol Pablo ang pag-ibig ay ang PINAKADAKILA. (1 Cor. 13:13, 1-3)


Ano ang pag-ibig? maraming mga marurunong at mga dakilang tao ang nakapagbigay na ng paliwanag tungkol sa kahulugan ng pag-ibig.


Gayunpaman, kunin natin ang paliwanag ng mga Griyego tungkol sa paksang ito na maaring makatulong sa atin.



Sang-ayon sa kanila ay may tatlong uri ng pag-ibig:


1. AGAPE - Ito ang uri ng pag-ibig na maka-espiritu. Ito ay wala sa tao, kundi tinatanggap mula sa Dios, sa pamamagitan ng espiritu santo. (Jn. 5:42)


2. PHILIA O PHILADELPIA - May dalawang uri:

1.   Pag-ibig sa kapatid, anak at mga magulang (Tito 2:4)

2.   Pangkapatid na pag-ibig sa kaibigan o kapuwa-tao (1 Tes. 4:9; Mat. 22:39).


          3.EROS - Pag-ibig na may uring seksuwal sa asawang babae o asawang lalake (Efe. 5:25; Col. 3:19).



Mga Talatang Dapat Tandaan Tungkol Sa Pag-ibig:


1.   Mangag-ibigan sa isa't isa - Jn. 13:34-35; Jn. 15:12,17


2.   Ibigin ang inyong mga kaaway  - Mat. 5:44


3.   Kung ako'y inyong iniibig - Jn. 14:15


4.   Maging walang pagpapaimbabaw - Roma 12:9


5.   Huwag sa salita - 1 Jn. 3:18



TAYO'Y TINAWAG UPANG MAGPABANAL:


"Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay:

Sapagka't nasusulat, kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal. (1 Ped. 1:15-16).


Si Pablo, na tinawag na maging apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at si Sostenes na ating kapatid sa iglesia ng Dios na nasa Corinto, samakatuwid baga'y sa mga pinapaging banal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon." (1 Cor. 1:1-2)


Ang layunin ng Dios sa pagtawag sa atin ay ang mangagbanal.


Ito ang ating "GOAL" :


Sa Silangan, ang mga batang toro ay sinusubok para sa paglaban sa arena sa isang pamamaraan. Isa-isang dinadala ang mga iyon sa rueda at pinababayaang sumalakay sa isang picador na sumusundot sa kanila ng sibat. Ang katapangan ng bawa't isang toro ay maingat na sinusukat sa pamamagitan ng dami ng bilang ng kanyang kusang-loob na pagsalakay sa kabila ng mga saksak na tinanggap. Mula ngayon ay kilalanin natin na bawa't isang araw ay sinusubok tayo ng buhay sa ganitong paraan.


Kung tayo'y magpipilit, kung tayo'y magpapatuloy sa pakikihamok, kung tayo'y magpapatuloy na sumalakay, tayo'y magtatagumpay.



TAYO'Y MAGTATAGUMPAY:


Gaya ng natalakay na, ang ating pakikibaka ay hindi sa laman at  sa dugo. Ang ating kalaban ay hindi ang tao ng sa kasalukuyan ay hindi natin katulad ang paniniwala. Sila'y dapat nating kahabagan, at hindi ang kapootan.

"At ang iba'y inyong ililigtas na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman." (Judas 1:23)


Ang ating kalaban ay ang isang espiritu na hindi nakikita. Makapangyarihan at tuso na dumadaya sa buong sanlibutan. (Apoc. 12:9)


Ito ang DIYABLO: Tungkol dito ay nagbabala si Apostol Pedro:


"Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya:

Na siya'y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nagaganap sa inyong mga kapatid na nangasa sanlibutan." (1 Ped. 5:8-9)


Sa kanyang pandaraya ay gumagamit siya ng sistema. Tulad ng isang boksingerong kung saan mahina ang kalaban ay doon pinupuntirya. Sa kanyang pandaraya ay gumagamit siya ng mga kasangkapan. Ginagamit niya ang edukasyon, ang ekonomiya, ang relihiyon. Gumagamit din siya ng mga bagay tulad ng kayamanan, at maging ng tao.


"Kayo'y magsipag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kanyang pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanlibutan, at di ayon kay Cristo" (Col. 2:8).


Bukod dito'y sinisira pa niya ang ating moral. Ipinipinta niya lagi sa ating pag-iisip na tayo'y MAHINA. Na hindi tayo mananalo sa kaniya. Na dahil dito'y lalong nanghihina ang ating loob na tayo'y lumaban. Ang ganap na mawalan ng pagtitiwala sa sarili. Na dahil dito kadalasa'y nabibihag niya tayo nang hindi na tayo nagtatangkang lumaban man lamang.


Magpakatalino tayo sa ating pakikipaglaban sa kaniya.


"Upang huwag kaming malamangan ni Satanas: sapagka't kami ay hindi hangal sa kanyang lalang." (2 Cor. 2:11)


Tayo'y magtatagumpay! Sapagkat


"Hindi dumating sa inyo ang anomang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapuwa't tapat ang Dios, na hindi niya itutulot  na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pag-ilag upang ito'y matiis." (1 Cor. 10:13)

Tayo'y magtatagumpay!


"Sapagka't tayo'y walang isang dakilang saserdote na hindi maaring mahabag sa ating kahinaan, kundi isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin gayon ma'y walang kasalanan. Palibhasa'y nagbata siya sa pagkatukso siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso."

(Heb. 4:15; 2:18)


"Pasakop nga kayo sa Dios: datapuwa't magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo. " (Sant. 4:7)


"Tayo'y magtatagumpay, kung pahihintulutan natin si Cristo ang mabuhay sa atin (Gal. 2:20).


At kung si Cristo ay nasa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; datapuwa't ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran.


Nguni't kung ang espiritu niyaong bumuhay na mag-uli kay Jesus ay tumira sa inyo, ang bumuhay na mag-uli kay Cristo-Jesus sa mga patay ay magbibigay buhay naman sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na tumitira sa inyo (Roma 8:10-11).


Sa kasalukuyan tayo ay nasa panahon ng pakikibaka. Makipagbaka tayo ng mabuting pakikipagbaka. Tapusin natin ang ating takbo. Ingatan natin ang pananampalataya. At kung magawa natin ay ganito ang sabi ni Pablo:


"Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita. (2 Tim. 4:7-8)


"At ang magtagumpay, at tumupad ng aking mga gawa hanggang sa katapusan, ay bibigyan ko ng kapamahalaan sa mga bansa." (Apoc. 2:26)


Sumasampalataya ka ba kaibigan?



Inihanda ni: Late Elder Aurelio L. Mangulabnan



Click here if you want to -----> go back to page CHRISTIAN CHARACTER BUILDING