ANG DIOS AMA AT ANG ANAK NG DIOS

ANG DIOS AMA

Aming sinasampalatayanan ang siya ring Dios na napakita kay Abraham, na Dios na Makapangyarihan sa lahat (Genesis 17:1), Kataastaasang Dios (Genesis 14:18-20, Awit 57:2), lumikha ng langit at ng lupa (Gawa 17:24), Dios na walang hanggan (Genesis 21:33), Haring walang hanggan (I Timoteo 1:17). Ang Dios ay espiritu (Juan 4:24) at walang nakakita sa kanya, liban sa kanyang bugtong na Anak na si Jesus (Juan 1:18). Ang Dios Ama ay may buhay sa kanyang sarili, gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili (Juan 5:26). Ang Dios Ama at ang Anak ay may bukod na kalagayan. Sa katunayan, may alam ang Ama na hindi nalalaman ng Anak (Mateo 24:36).


ANG ANAK NG DIOS

Si Jesus na Anak ng Dios (Mateo 16:16; Marcos 1:1;Galacia 2:20) ay Dios (Awit 45:6; Hebreo 1:8). Ang Anak ang larawan ng Dios na hindi nakikita, ang panganay ng lahat ng nilalang (Colosas 1:15). Siya ay nasa Dios ng pasimula at sa pamamagitan niya ginawa ang lahat ng bagay; alin man sa lahat ng ginawa ay hindi nagawa kung wala siya (Kawikaan 8:22-30; Juan 1:1-3). Siya ay ipinaglihi ng Espiritu Santo (Isaias 7:14; Mateo 1:20-21) at nagkatawang tao (Juan 1:14). Ang Anak ang sinag ng kaluwalhatian ng Dios at larawan ng kanyang pagka-Dios (Hebreo 1:3), tagapagsalita ng Ama sa mga huling araw (Hebreo 1:1-2) at Tagapamagitan sa Dios at ng tao (I Timoteo 2:5; Hebreo 8:6). Sinomang sumampalataya sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16; I Juan 5:13). Si Jesus ay Panginoon (Roma 10:9; 14:9). Siya ay namatay para sa ating mga kasalanan (I Corinto 15:3), binuhay ng Dios (Gawa 2:32) at dinala sa itaas sa langit at ngayon ay nasa kanan ng Ama (Colosas 3:1) Sa itinakdang panahon ng Dios, si Jesucristo ay magbabalik at maghahari ng isang libong taon kasama ng mga banal (Apocalipsis 20:6).


Click here if you want to -----> go back to page DOKTRINA