ANG PAG-IINGAT NA DAPAT GAWIN NG DALAGA AT BINATA SA PAKIKIPAGRELASYON (magkasintahan) UPANG MAGING MARANGAL ANG PAGSASAMA


April 23, 2023

Maddela Quirino at Santiago City Isabela


Ayon sa Philstar Global dated Feb. 17, 2023. Sa latest census na ginawa ng gobyerno ng Pilipinas sa mga nagsasama bilang mga mag-asawa sa ating bansa. Lumalabas na ang unmarried couple, live-in o cohabitation ay patuloy na tumataas sa Pilipinas. Almost 9% ang itinaas nito mula noong 2015.


SA taong 2015 to 2020 lang ay nadagdagan ng limang milyong (5 million) Pilipino ang pumasok sa ganitong kalagayan at 400,000 naman ang humantong sa paghihiwalay. 


Pinakamarami sa live-in ay nasa NCR (20%). 

Ang region naman na pinakamaraming nagsasama na kasal ay nasa ating region (Cagayan valley) 47%. 



Sa ating mga Iglesia ng Dios, ano ba ang turo ng biblia kapag gusto na nating bumuo ng sariling pamilya? 

Okey lang ba na tayo ay makiuso ngayon sa nagiging trend na ito ng pagsasama? 

Lalo na nga at halos tanggap na ito ng pamilyang Pilipino at ng lipunan sa kabuuan.


Basahin po natin yung nakasulat sa Heb. 13:4 na siyang pinanggalingan ng ating mensahe:


“ANG PAG-IINGAT NA DAPAT GAWIN NG DALAGA AT BINATA SA PAKIKIPAGRELASYON (magkasintahan) UPANG MAGING MARANGAL ANG PAGSASAMA.”


“Dapat ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya.”



Ano daw po dapat na maging kalagayan ng pag-aasawa? 

Sagot: MARANGAL.


Papaano magiging marangal ang pag-aasawa? 

Sagot: Kapag tapat sa isa’t-isa.


Ano po ba ang mangyayari kapag hindi naging tapat sa isa’t-isa? 

Maaring mapasok sa:


1. pakikiapid o fornication (sexual intercourse between people not married to each other.) - hindi naging tapat sa nararapat na hangganan ng relasyong magkasintahan.

2. Pangangalunya o adultery (voluntary sexual intercourse between a married person and a person who is not his or her spouse.)

Reference: Oxford languages o Dictionary.


Ano daw ang gagawin ng Dios sa mga pumapasok sa ganitong relasyon?

Sagot: Hahatulan ng Dios.



Ngayon alamin muna natin kung papaano ba nagsisimula ang relasyon ng dalaga at binata?


Siyempre una ay MAGKAKAGUSTUHAN. 

Maraming scenario na ang dalaga at binata ay nagkakagustuhan. 

Yung iba love at first sight daw (dito kilig na kilig ang mga kabataan). 

Yung iba matagal na magkaibigan bago nagkagustuhan. 

Yung iba naireto ng kaibigan o nang magulang at marami pang ibang scenario, basta ang nagiging ending niyan: MAGLILIGAWAN.


Sa mga lalake, maging seryoso sa gagawing panliligaw, sana huwag gawin itong biro. Hindi ulit na alam mong may gusto sa iyo yung babae ay papakagatin mo na tapos wala ka namang planong seryosohin kundi syosyotain mo lang. Ang masaklap ay baka paglalaruan mo lang. Alalahanin natin na baka meron din tayong kapatid na babae o sigurado pa may nanay tayo. Siguro naman masasaktan din tayo bilang kapamilya kapag nakita natin na niloloko lang ng lalake yung ating kapatid na babae o kapag nakikita natin na niloloko ng tatay natin yung nanay natin.


Sa mga babae naman, sabi nga sa Mat. 5:37:


“Datapuwa't ang magiging pananalita ninyo'y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka't ang humigit pa rito ay buhat sa masama.”



Huwag naman tayong paasa, ayaw mo na nga papaasahin mo pa kasi nanghihinayang ka sa chokolate o regalo tuwing dadalaw sa iyo, o kaya naman kasi sundo at hatid ka may pamiryenda pa. 

Kapag ayaw ninyo ang lalake, maging tapat tayo sa kanila pero siyempre sabihin ito sa maayos na paraan. Babastedin mo na nga pabulyaw pa. Ingatan din natin ang damdamin ng ating kapuwa. 

Hindi masama ang umibig sa iyo ang lalake, nagkataon lang na hindi mo siya gusto.


Sa pagpili naman ng liligawan sabi nga sa Job 34:4


“Ating piliin sa ganang atin ang matuwid: ating alamin sa gitna natin kung ano ang mabuti.”



So piliin natin yung maka-Diyos, hindi ulit maganda o pogi, sya na agad yung “the one”. Alalahanin natin ang payo sa Kawikaan 31:30:


“Ang lingap ay magdaraya, at ang kagandahan ay walang kabuluhan: nguni't ang babae na natatakot sa Panginoon, ay siya'y pupurihin.”



Mas piliin natin yung may takot sa Diyos kaysa may magandang anyo. Yung may magandang kalooban kaysa maganda ang panlabas na anyo. 


Mapapansin naman natin ang tao sa kanilang kilos at pananalita kung ito ay pinong tao. Si apostol Pablo man may karanasang ganito sa aklat ng Gawa 17:22


“Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay.”



So piliin natin yung reliyoso, sa mga kababaihan; huwag tayong makiuso na ang gusto yung “bad boy.” Bad nga eh, tapos pipiliin mo pa. Isipin natin lagi, kung yung sarili niya hindi niya mapatino, bubuuing relasyon ninyo pa o pamilya aasahan mong mapapatino.


Sa mga magulang, kapag ang ating mga anak na babae ay nasa marrying age na, huwag po nating isipin na wala na tayong obligasyon sa kanila. Basahin po natin yung 1Cor. 7:37


“Subali't ang nananatiling matibay sa kaniyang puso, na walang kailangan, kundi may kapangyarihan tungkol sa kaniyang sariling kalooban, at pinasiyahan sa kaniyang sariling puso na ingatan ang kaniyang sariling anak na dalaga, ay mabuti ang gagawin.”



Lagi natin silang tuturuan na huwag papasok sa mga uso o trending ng pakikipagrelasyon ngayon na laging mapapanood sa mga k-drama o pelikula man na kapag nagkagustuhan ang lalake o babae ay pwede na agad magsama sa iisang bubong at ang relasyon ay walang pinagkaiba sa mag-asawa.


May turo po ang biblia tungkol dito:

  1. Ingatan ng magulang ang kanilang anak na babae
  2. Kung talagang hindi na mapigil ang sarili: huwag papasok sa live-in kundi sundin ang sabi ni apostol Pablo sa 1Cor, 7:36

“Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan.”


Yun din yung sinasabi sa talatang 9:


Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa.”


3. At kapag mag-asawa na, gawing palatuntunan yung nakasalutat sa talatang 2 hanggang 4:


 Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. 

Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. 

Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa.”



Sa ganitong kaparaanan ay magiging maayos at marangal ang magiging pagsasama ng magkasintahan. Matutong magpigil sa sarili at alam dapat ang limitasyon ng kanilang relasyon. Maging responsable, huwag lalampas sa hangganan ng relasyon sapagkat sa isang tudyo ng mainit na damdamin ng kabataan, sa isang pagkakamaling aksiyon, panghabang-buhay na responsibilitad ang kapalit. 

Sabi nga ng matatanda: “Sa isang iglap na sarap, kapalit ay habang-buhay na hirap.”


Paano nga, alam ng matatanda ang bigat ng responsibildad ng pagpapamilya ng isang mag-partner na papasok dito na hindi handa. Imbes na masayang pamilya ang kahahatungan, magulo o sirang pamilya ang papasukan kasi nga walang pagplaplanong ginawa kundi nagpatianod sa init ng damdamin.


Ngayon kung ang ating napupusuan ay hindi Iglesia, ang payo nga kanina ay piliin yung reliyoso, kasi maitutuwid naman ang paniniwala nila kapag talagang totoong Dios ang hinahanap eh. Katunayan ay yung kwento ni Apolos sa aklat ng Gawa 18:24-26:


“Ngayon ang isang Judio na nagngangalang Apolos, na isang Alejandrino sa lahi, at taong marikit mangusap, ay dumating sa Efeso; at siya'y makapangyarihan ukol sa mga kasulatan. 

Ang taong ito'y tinuruan sa daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maningas na espiritu, ay kaniyang sinalita at itinurong maingat ang mga bagay na tungkol kay Jesus, na ang naalaman lamang ay ang bautismo ni Juan: 

At siya'y nagpasimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga. Datapuwa't nang siya'y marinig ni Priscila at ni Aquila, ay kanilang isinama siya, at isinaysay sa kaniya ang daan ng Panginoon ng lalong maingat.”



So madaling hikayatin yung may takot na agad sa Panginoon katulad ni Apolos kaysa doon sa bad boy na wala halos kinatatakutan. Baka mamaya pati tatay mo labanan niyan kung sakaling mamagitan sa inyo kapag kayo ay nag-aaway. Bad boy nga eh.


So para matupad sa atin yung mensahe ng ating paksa:. Sa pakikipagrelasyon, kung tayo ay binata at dalaga pa:

  1. Matutong maging mapagtimpi.
  2. Kung nag-aaral pa, focus muna dito ng makatapos (payo bilang magulang).
  3. Maging seryoso sa karelasyon at magplano kung talagang balak ng magpamilya.
  4. Ingatan ang sarili upang maging malinis bago pumasok sa pag-aasawa.
  5. Huwag papasok sa live-in o cohabitation, masama po ito dahil mapapasok tayo sa kasalanang “fornication”.
  6. Hikayatin ang kasintahan sa Iglesia, isa ito sa ating katungkulan. Kung sa ibang tao kumikilos tayo para mamisyon sila, kasintahan mo pa.
  7. Kung talagang desidido na, magpakasal bago gumawa ng bata.
  8. At kapag kasal na, huwag ng maghanap pa ng iba. Kasi kung hindi, mapapasok naman tayo sa pagkakasalang “adultery.”
  9. Piliting mamuhay bilang mag-asawang kristiyano na bubuo ng pamilyang maglilingkod sa Dios.


Sa ganitong paraan, matutupad natin ang marangal na relasyon sa mata ng Dios patungo sa pag-aasawa.


Ito nawa ang magawang pagpapayo ng mga magulang sa kanilang mga anak, magawa ng mga kabinataan at kadalagahan na papasok sa relasyon, magmula ngayon at magpakailanman. 

Amen.